NANGINGINIG ang mga binti ni Aling Pacing habang sumusunod sa mabilis na pagtakbo ni Kristina sa kalsada. Nasa labas na sila ng bakod ng mansiyon.
“Bilisan n’yo po, Nanay Pacing!” sabi ni Kristina habang nakatitig sa mga liwanag ng sulo na nagsisimulang magkalat sa kalsada. Sila ang hinahanap ng mga tauhan ni Donya Presentacion.
“Dito! May nakita akong gumagalaw sa tabi ng halamanan!” sigaw ni Lucio, ang lider ng mga trabahador sa hacienda.
Napasinghap si Kristina. Sa matinding kaba, hinawakan niya ang kamay ni Aling Pacing upang tumakbo patungo sa mapuno na bahagi ng hacienda, ngunit sa kalagitnaan ng dilim, natisod ang matanda sa isang malaking bato.
“Nanay Pacing!” tarantang lumuhod si Kristina at pilit na inangat ang balikat ng matanda.
Ngunit bago pa man makatayo ang dalawa, biglang nabalot ng init at liwanag ang buong paligid nila. Lumabas mula sa kadiliman sina Lucio at ang limang trabahador ng hacienda, hawak ang mga nagniningas na sulo.
“Sumama na lang kayo sa amin nang hindi na tayo magkasakitan pa rito,” nakangising sabi ni Lucio.
Wala nang nagawa ang dalawa kundi sumama. Naisip ni Kristina na marahil ay nasa kamay na rin nila si Andres kaya wala nang saysay pa na tumakbo at magtago.
Pagkalipas ng ilang minuto, marahas na itinulak nina Lucio ang pinto ng malaking pintuan ng mansiyon. Kinaladkad ng mga utusan sina Kristina at Aling Pacing na nakagapos ang mga kamay. Dinala sila sa harap nang malaking hagdanan.
Dahan-dahang bumaba sa hagdanan si Doña Presentacion, kasunod si Mang Teban na hawak ang palayok na may abo. Nang makita ng donya si Kristina at ang ina ni Andres na nakagapos, isang nakakapangilabot na ngisi ang sumilay sa labi nito.
“Napakagandang sorpresa sa hatinggabi...” sabi ni Doña Presentacion habang tinatabig ng kanyang tungkod ang baba ni Kristina. “Wala man sa akin si Andres... narito naman ang mga dalawang pain na magpapalabas kung saan man siya nagtatago ngayon.”
(Itutuloy)