NANG makasigurong tahimik na ang buong bakuran at tulog na ang mga tauhan sa mansiyon, dahan-dahang lumabas si Kristina sa mausoleo dala ang itinagong susi ni Ernesto.
Binagtas niya ang madilim na daan patungo sa basement ng mansiyon. Sa tulong ng susi, naitulak niya ang mabigat na pinto ng bodega at pumasok sa gitna ng alikabok at mga lumang kargamento. Iniusog niya ang ilang kaban ng bigas at inangat ang lihim na trapdoor sa sahig.
Dahan-dahan siyang bumaba sa mamasa-masang at malamig na tunnel patungo sa ilalim kung nasaan ikinukulong si Andres.
“Kristina...” nanghihinang bulong ni Andres habang nanginginig sa malamig na semento ng kanyang selda.
Inilabas ni Kristina ang nakuhang pambakal na lagari at isang basahang may langis mula sa kanyang bulsa. “Gagamitin natin ‘to para kikilan at putulin ang kadema mo,” bulong ng dalaga habang binabalot ang bakal ng basahan upang mabawasan ang ingay.
Pagtutulungan nilang dahan-dahang ilagari ang makapal na kadena sa gitna ng kadiliman. Bawat kuskos ay nagpapatulo ng pawis at kaba sa kanila. Bagamat bahagya pa lamang ang nahihiwa sa makapal na bakal, malaking pag-asa na ito para sa kanila.
Nang magsimulang magbago ang kulay ng kalangitan sa labas, kinailangan na niyang huminto. “Kailangan ko nang bumalik sa mausuleo bago magising ang mga utusan,” bilin ni Kristina. “Babalik ako bukas.”
Mabilis niyang nilisan ang tunnel, isinarang muli ang trapdoor sa bodega, at tumakbo pabalik sa musuleyo.
Dahan-dahan siyang umakyat sa ikalawang palapag upang itago ang lagari sa ilalim ng kanyang higaan. Ngunit sa kalagitnaan ng silid, nanlamig ang buong katawan ni Kristina at halos tumigil ang tibok ng kanyang puso.
Sa gitna ng silid, nakaupo sa gilid ng kanyang kama at nakapamaywang si Natasha.
“Saan ka nanggaling, Kristina?” puno ng paghihinalang tanong ni Natasha habang nakatingin sa nakabukol na bulsa ng dalaga.
(Itutuloy)