Kaibigan (197)

BUKAS ang shower!

Pero wala namang naliligo!

Iginala ni Dex ang pa­ningin sa kabuuan ng banyo at baka naroon si Lara. Wala naman. Ma­liit lang ang banyo at walang mapapagtaguan doon. Tumingin din si Dex sa kisame. Wala naman siyang nakita.

Nag-isip si Dex. Sino kaya ang gumagawa nito at parang tinatakot siya. Si Lara kaya? Baka bahagi ng sinasabing parusa sa kanya. O baka ito na talaga ang parusa sa kanya? Masyadong ma­lalim si Lara.

Nagbalik sa salas si Dex. Nakiramdam siya. Baka naman nagtatago lang si Lara. Pero wala naman siyang kakaibang napapansin. Wala siyang­ naririnig na kaluskos o anumang ingay.

Nagpasya si Dex na ta­wagin si Lara. Gusto niyang matapos na ito.

“Lara, kung nagtatago ka man, lumantad ka na. Nahihirapan na ako. Parusahan mo na lamang ako at huwag kang magtago. Sige na, lumabas ka na.’’

Walang sagot. Tahimik na tahimik.

Nagsalita uli si Dex. May­roon siyang ginawang pasya.

“Kung nasaktan ka sa mga sinabi ko ukol sa ‘huling habilin’ ni King, patawarin mo ako. At para patunayan ko ang pagsisisi, magre-resign na ako sa trabaho rito at uuwi na lang ako sa Pinas, bukas na bukas din ay gagawa ng ako ng resignation paper. Para matahimik ka na. Kung wala na ako rito e di wala ka nang kaiinisan. Kaya lumabas ka na. Ito na ang huli kong pagpunta rito sa room mo. Bukas ay mag-eempake na ako…’’

Maya-maya, may na­rinig na kaluskos si Dex. Nakiramdam siyang ma­buti. Parang nanggagaling­ sa cabinet ng damit ang kaluskos. Ang cabinet ay malapit sa pinto.

Tumayo si Dex at dahan-dahang tinungo ang cabinet. (Itutuloy)

Show comments