Huling Eba sa Paraiso (143)

“Saan daw naroon si Mr. C, Kuya?’’ tanong ni Tikoy.

“Nasa Binondo raw, sabi ni Luke. Sinabi raw sa kanya ng waiter na naging kaibi­gan namin.’’

“Kung ganun, dapat mag­tungo na rito si Sir Luke ano Kuya? Narito na pala ang kalaban. Hindi na siya mahi­hirapan. At saka narito ang mga tauhan niya.’’

“Palagay ko darating na siya. Nabanggit niya na nakakuha na siya ng warrant para maaresto si Mr. C.’’

“Delikado ang pagsisilbi­ ng warrant Kuya di ba? Ma­aaring lumaban si Mr. C. Palagay ko lahat nang kanyang tauhan sa probinsiya ay hinakot dito.’’

‘‘Tiyak ‘yun!’’

Advertising
Scroll to continue

“Bakit kaya ganun na lamang kasidhi ang pagnanais ni Luke na maaresto ang Chinese drug lord, Kuya? Noon ko pa sana ito itata­nong sa’yo pero hindi ko na magawa.’’

‘‘Nagtataka rin ako Tikoy. Palagay ko, may malaking dahilan si Luke kaya napakasidhi ng pagnanais niyang mahuli si Mr. C.’’

“Kasi kung basta lang pagtupad sa tungkulin bilang pulis, hindi siguro ganun ka­tindi ang pagnanais niya di ba Kuya? Ano kaya ang nasa likod ng misyon ni Luke.’’

Kinagabihan, dakong alas dose ng hatinggabi, nakatanggap ng tawag si Drew kay Luke.

“Narito ako sa labas ng bahay mo Drew?’’

Gulat na gulat si Drew. Pa­ano nalaman ni Luke ang bahay niya ganung hindi naman niya sinasabi rito.

“Sige Luke lalabas na ako. Sandali lang.’’

Nang lumabas siya, nakita niya si Luke na may dala­wang kasama. Pinagbantay ni Luke ang dalawa sa labas.

Pumasok sila sa bahay.

“Nagulat ako Luke. Paano mo nalaman itong bahay ko.’’

‘‘Dahil sa mga pulis ko. Pinaguwardiyahan ko na kayo sa mga pulis ko nung isang gabi pa. Nakatanggap kasi ako ng report na kukunin ng mga bataan ni Mr. C si Ma­rianne at papatayin. Talagang si Marianne ang gusto niyang makuha. Hindi nila magawa dahil may nakabantay na diyan sa labas.’’

“Ganun ba?’’

“Bukas ng madaling araw, nakakasa na ang pagsalakay namin sa pugad ni Mr. C. Isisilbi namin ang warrant.’’

“Sana magwakas na ang kasamaan ng taong ‘yun.’’

(Itutuloy)

Show comments