Huling Eba sa Paraiso (142)

DUMATING sila sa Ta­yuman. Itinuro ni Drew kay Tikoy kung saang kalye sila papasok. Nilampasan nila ang SM-San Lazaro. Kumanan sila. Pu­masok sa isang eskinita.

“Dun sa kulay apple green na gate,” turo niya kay Tikoy.

“Marami nang pagbabago rito, Kuya. Nang una akong makarating dito, wala pang SM.’’

“Nung magpunta ka rito, may karerahan pa diyan.’’

“Oo nga Kuya. Naririnig ko nga nun ang announcer ng karera.’’

Itinigil ni Tikoy ang sasakyan sa harap ng gate. Dalawang palapag ang bahay. Bagong remodel. Dito nakatira si Drew at ang kapatid na babae na ngayon ay nasa Japan na.

Advertising
Scroll to continue

Bumaba si Drew. Nang makababa ay nagpalinga-li­nga muna. Parang sinisi­guro kung walang sumusunod sa kanila. Nang matiyak na wala, pinababa na niya sina Marianne at Lola Ela.

Dinukot niya ang susi ng gate sa kanyang bulsa. Binuksan.

“Pasok na kayo, Marianne, Lola.’’.

Pumasok sina Marianne. Si Tikoy ay naiwan sa sasakyan.

Tinungo ni Drew ang main door ng bahay. Sinusian. Nang mabuksan ay pumasok siya at ini-on ang circuit breaker. Nagkaroon ng kuryente. Pinapasok na niya sina Marianne.

“Maglilinis ako Drew,’’ sabi ni Marianne habang pinagmamasdan ang kabuuan ng salas. Kumpleto sa gamit ang salas.

“Kukuha ako ng walis at basahan,’’ sagot ni Drew at nagtungo sa kusina.

Nang bumalik ay may dala nang walis tambo at mga basahan.

Tutulong si Lola Ela pero pinagpahinga na lang ni Drew. Halatang pagod na pagod ang matanda.

Maghapon na naglinis si Marianne.

 

KINABUKASAN, bumili ng diyaryo si Tikoy. Nagulat siya nang mabasa at ma­kita sa diyaryo ang dalawang lalaking napatay ng mga pulis kagabi. Ipinakita niya kay Drew.

“Eto ang mga nambugbog sa akin, Kuya. Hindi ko malilimutan dahil may tattoo sa braso. Nakaganti na ako Kuya!’’

“Mga tauhan talaga ni Mr. C ang mga humahabol kay Marianne.’’

“Oo nga Kuya. Wala nang iba.”

‘‘Dapat mag-ingat tayo ngayon dahil narito na pala sa Maynila si Mr. C.’’

(Itutuloy)

Show comments