Huling Eba sa Paraiso (71)
“BASE kasi sa kuwento mo, may pagnanasa ang Intsik kay Marianne. Baka nademonyo na ang Intsik at hindi na pinauwi si Marianne,’’ sabi ni Tikoy habang nagmamaneho patungo sa bayan.
“Ganyan din ang naiisi ko, Tikoy. Sabi ni Lola Ela, maagang-maaga nang umalis si Marianne. Tinext ng Intsik at pinapunta sa restaurant.’’
“Malaki siguro ang pagnanasa kay Marianne, Kuya.’’
‘‘Palagay ko Tikoy, kaya umiiyak si Marianne sa gabi ayon sa kuwenro ni Lola ay dahil sa problema sa Intsik. Baka masyado nang nagigipi si Marianne.’’
‘‘Wala bang nababanggit si Marianne kay Lola, Kuya?’’
‘‘Tinatanong daw ni Lola pero ayaw magsalita. Ilang beses na raw pinilit ni Lola na magtapat kung anuman ang problema pero ayaw daw magsalita si Marianne.’’
‘‘Mukhang mabigat nga ang problema niya, Kuya. Baka tinatakot ng Intsik kaya hindi siya makaatras sa pagdedeliber ng pako. Hindi kaya nagkautang si Marianne sa Intsik at ang hinihiling na kabayaran ay maging magsiyota sila.’’
Nag-isip si Drew. Posible ang sinabi ni Tikoy. Pero bakit naman siya mangungutang. At saka sana ay may binanggit si Lola sa kanya tungkol doon. At ano naman ang pagkakagastusan niya para manghiram ng pera sa Intsik?
Maya-maya nasa bayan na sila. Tinungo nila ang palengke kung saan naroon ang restawran.
Nagpark sila sa ‘di-kalayuan ng restaurant.
‘‘Saan ba ang bahay ng Intsik, Tikoy?’’
“Nakikita mo ang bahay na ‘yun. ‘Yung mataas na nasa likod ng restaurant?’’
Tiningnan ni Drew ang tinuro ni Tikoy. Nakita niya. Mga tatlong palapag. Hindi gaanong mahahalata na bahay dahil bahagyang natatakpan ng isa pang bahay.
‘‘Sa loob ng restaurant ang daan patungo sa loob pero merong exit sa kabilang kalye,’’ sabi ni Tikoy.
‘‘Papasok ako, Tikoy.’’ (Itutuloy)
- Latest