Ahas sa Garden (418)

Dinala ni Alexis sa ospital si Nicole para ma-check-up ng doktor sa dinanas nitong trauma sa mga addict. Ipina-confine ni Alexis para makapagpahinga. Binantayan niya ang dalaga.

“Okey na ako, Love. Puwede na akong lu-mabas,’’ sabi ni Nicole.

“Magpahinga ka raw muna. Mahina pa ang katawan mo dahil sa nangyari.’’

Hindi na nagsalita si Nicole.

‘‘Kailangang makarekober ka dahil sa nawala mong lakas nang habulin ka ng mga walanghiya.’’

Biglang napaiyak si Nicole. Hindi na nito napigilan ang sarili.

Pinayapa siya ni Alexis.

‘‘Naalala ko kasi ang nangyari ng gabing iyon. Akala ko, katapusan ko na sa mga addict. Hindi ko nga alam kung paano ako nakatakas sa kanila. Walang tigil na pagtakbo ang ginawa ko. Dasal ako nang dasal. Mabuti at sinundan mo ako Love, kung hindi baka… baka napahamak na ako o pinatay na nila.’’

“Alam mo ba ang nangyari sa addict na humabol sa’yo?’’

“Anong nangyari?’’

“Nang-agaw raw ng baril ng pulis habang dinadala sa bayan kahapon. Patay na.’’

Hindi nakapagsalita si Nicole. Nagkatotoo ang sinabi ng isang pulis na mang-aagaw ito ng baril.

“Mabilis ang hustis­ya, Nicole.’’

Napatango lang si Nicole.

‘‘Paglabas mo rito sa ospital, isasama kita sa Maynila.’’

‘‘Bakit, Love?’’

“Para makapagrelax ka naman – tayong dalawa.’’

“Paano ang trabaho ko sa gulayan?’’

‘‘Huwag mo na munang intindihin yun.’’

Hindi na nakapagsalita si Nicole.

“Basta paglabas mo rito, deretso na tayo sa Maynila. Doon ko na lamang sasabihin ang iba ko pang balak.’’

Napatango na lamang si Nicole. Hindi niya alam kung ano ang balak ni Alexis. Sunud-sunuran na lamang siya rito. (Itutuloy)

Show comments