Sari-saring sakit nagsulputan na

ANG ating bansa ngayon ay dumaranas ng matinding pagsubok. Hindi pa man natin nalalampasan ang isa heto at may kasunod pa. Ayon sa World Health Organization (WHO), umabot na sa 80% ang epidemya ng African Swine Fever sa ating bansa. Ang bilis kumalat ng ASF sa mga alagang baboy dahil karamihan sa mga ito ay nasa tinatawag na backyard piggery.

Sinabi ko sa aking mga nakaraang kolum na ang pagtatapon ng basura kung saan-saan ay walang magandang dulot sa ating kalusugan. Doble ang balik sa atin dahil may dala na itong sakit pabalik. Siguro naman ay alam natin na ang nag-uusbungang sakit ngayon ay galing mismo sa ating dumi.

Ako’y nalulungkot sa pangyayari na kahit anong paalala ang gawin, sadyang may mga kababayan tayong walang disiplina at matitigas ang ulo. Mantakin n’yo taong 2000 pa dineklarang polio virus free ang ating bansa pero dahil sa kadugyutan ng marami ito ay nagbalik.

Paano naman kasi, karamihan sa mga nakatira sa iskuwater ay walang maayos na palikuran. Doon sila nagtatapon ng basura sa kung saan-saan lamang. Ang malapit sa tubig ‘yun na ang ginagawa nilang kubeta at basurahan, natural naroon na ang tirahan ng mga daga.

Tayong mga Pinoy ay hindi maalis ang ugaling “last minute” kung kailan epidemya na saka tayo nag-uuna-hang magpabakuna ng ating mga anak. Ganyan din ang nangyari noong may epidemya ng tigdas.

Hindi nagkulang sa paalala ang mga taga-Department of Health (DOH) na ugaliing pabakunahan ang mga sanggol. Pero dahil nga naging kontrobersiyal ang Dengvaxia, natakot ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak. Noong nakaraang buwan lamang ay may epidemya rin tayo sa dengue at leptospirosis.

Iwasan natin ang ganitong ugali dahil inilalagay lang natin sa peligro ang buhay  ng ating mga anak. Huwag mawalan ng pag-asa at malalampasan din natin ang mga pagsubok na ito.

Show comments