Ahas sa garden (231)

ISANG araw, naisipan ni Alexis na tawagan si Manang. Mula nang magkita sila noon sa bahay ng pinsan nito ay hindi na nasundan. Sabik din naman siyang may malaman ukol kay Manang at ganundin kay Sir Nath. Si Manang lamang ang alam niyang matatawagan para may malaman sa buhay ni Sir Nath. Siguro naman, na­isip ni Alexis na hindi pa nagpapalit ng numero si Manang.

Dinayal niya ang number ni Manang.

Nag-ring.

Maya-maya may su­magot.

“Hello?’’

Boses ni Manang.

“Hello Manang. Si Alexis ito!’’

“Alexis? Ikaw ba Alexis?’’

“Oo Manang. Ako nga si Alexis.’’

“Kumusta Alexis? Kahapon ay pinag-uusapan ka lang namin ni Ester  -- yung maid sa tapat ng mansion natin dati. Sabi niya baka raw tawagan mo ako at totoo nga! Mabuti at tinawagan mo ako, Alexis. Kumusta ka na?’’

“Mabuti po Manang.’’

“Mayaman ka na?’’

“Hindi pa naman gaano, Manang.’’

“Aba ibig sabihin e patungo na sa pagyaman. Ano ang business mo Alexis?’’

“Gulay po at prutas. Supplier po ako.’’

“Ay ang galing mo, Ale­xis! Sinuwerte ka.’’

“Medyo, Manang. Ikaw Manang, ano ang pinagkakakitaan mo?’’

“May tindahan ako at nakakaraos naman sa awa ng Diyos.’’

“Baka gusto mong pumasok sa aking farm sabihin mo lang.’’

“Talaga? Puwede akong tagapitas ng talong, he-he-he!’’

“Oo puwede, Manang. Sabihin mo lang.’’

“Sige Alexis. Siyanga pala may ibabalita ako sa iyo ukol sa mansion ni Sir Nath. Ikinuwento sa akin ni Ester…’’

“Ano ang tungkol sa mansion ni Sir Nath?’’

“Ginawa raw warehouse­ ng shabu. Nang salakayin ng mga pulis, nagkasira-sira na dahil sa tama ng bala. Kawawa raw ang dating magandang mansion.’’

“Nasayang Manang.’’

“Sayang talaga! Kasi’y may namahay na masamang babae roon. Inabot ng malas.” (Itutuloy)

Show comments