Sadiq (72)

KINABUKASAN, ang pa­mamalantsa naman ang hinarap ni Sadiq. Lahat nang mga damit (uniporme ng mga anak na babae sa school) ay pinalantsa niya. Nanonood lamang si Gina sa ginagawa ni Sadiq.

“Ba’t ang husay mong magplantsa, Daddy. Talo mo pa ako!’’

“E paano nasanay ako habang nasa Saudi. Namamalansta ako roon ng damit ko. Laba-plantsa ang ginagawa ko roon kaya eksperto ako.’’

“Kaya pala. Bihira kasi ang mga lalaking mahusay magplantsa.’’

“Lahat nang gawaing babae alam ko.’’

“Hanga ako sa’yo Daddy.’’

“Salamat Mommy.’’

“Siyanga pala, ano nga pala yung tungkol sa sinasabi mong kasamahan sa trabaho roon na naging matibay ang pagkakaibigan n’yo? Anong name niya Daddy?’’

“Si JayR. Parang kapa­tid ko na yun. Nalungkot nga siya nang malamang maysakit ka at lalo na nang mag-decide akong umuwi para maalagaan ka. Nang ihatid ako sa airport, lungkot na lungkot. Parang nawalan ng mahal sa buhay nang umalis ako. Pag-uwi raw niya sa December, dito siya magse-celebrate ng Pasko.’’

“Talaga? Mabuti naman para ma­kilala ko.’’

“Kung mayroon daw akong problema, tawagan ko siya. Gagawa siya ng paraan doon kung pera ang problema natin.’’

“Napakabait niya.’’

“Pati nga ang boss kong Saudi na si Al-Ghamdi ay nagsabi na huwag akong mahiya na tawagan siya. Kung magkaroon daw ako ng problema, ipaalam lang sa kanya at tutulungan niya ako.’’

Nangilid na naman ang luha ni Gina.

Nakita iyon ni Sadiq at hinawakan ang palad ng asawa.                 (Itutuloy)

Show comments