Sadiq(54)

“MAHUSAY sa paghawak ng pera ang asawa kong si Gina. Magaling mag-budget kaya naman kahit dalawang taon pa lang ako dito sa Saudi nun, ay marami na agad siyang naipon at nakabili ng pro­perty na pinatayuan ng pa­upahang apartment. Bilib ako sa aking asawa.

“Bukod dun, napaka­husay din niyang mag-alaga sa aming tatlong anak.Dahil nasusubayba­yan niya ang pag-aaral­ ng mga ito, pawang honor­ student. Ikinukuwento nga ni Gina na sa araw ng graduation sa prep at kinder at maski sa Grade 1, ay lagi siyang pumapanhik sa stage para magsabit ng medal. Tuwang-tuwa ako. Dahil dun lalo akong nagsikap sa pagtatrabaho rito. Lagi akong nag-oobertaym para maraming maipadala kay Gina. Gusto ko, maibigay lahat sa mag-iina ko ang mga pangangailangan.

“Pero alam mo JayR, sa kabila na nagtagumpay akong makatakas sa kabaklaan, may mga tuksong sumusulpot at gusto akong hatakin muli sa dating kinalalagyan. Pilit akong niyaya na gawin muli ang dating­ ginagawa nun. Tikman daw uli.’’

“Anong ibig mong sabihin, Sadiq?’’

“Minsang nagbakasyon ako, nasalubong ko ang dating kasamahan na bading – si Jeremy. Nagkamustahan kami. Sabi ko, OFW ako. Mayroon na akong asawa at anak. Hindi makapa­niwala si Jeremy. Tumaas pa ang kilay. Akala yata nagbibiro ako. Ano raw ang nakain ko at biglang iba ang kinain sabay hampas sa harapan ko.

“Sigurado raw sabik na ako sa dating­ kinakain. Niyaya niya ako sa gay bar. May bago raw siyang hangout – sa Pink Eagle. Batambata raw ang dancers dun. Masisiyahan daw ako…’’

Napalunok si JayR sa mga sinabi ni Sadiq.

(Itutuloy)

Show comments