Black Widow (33)

MULA nang tumanggi si Marie sa pagyayaya ni Jam noon na manood sila sa KAYUMANGGING IBON ay parang medyo lumamig ang kanilang pagkakaibigan. Dama ni Marie ay nagtampo sa kanya ang kaibigan. Dati kapag lunch break ay nilalapitan siya nito at yayayain na sa canteen para kumain pero ngayon, hindi na siya nilalapitan. At hindi sanay si Marie sa ganoong sitwasyon. Ayaw niyang may nagagalit sa kanya. Lalo pa nga’t matagal na rin silang magkaibigan ni Jam.

Ipinasya ni Marie na siya na ang lumapit kay Jam isang lunch break.

“Halika, kain na tayo, Jam!” sabi niya sa kaibigan.

Nagulat si Jam sa pag­yayaya ni Marie. Pero madali ring nakabawi sa pagkabigla.

“Sige, ilibre mo ako!’’

“Walang problema, ha­lika na!’’

Tumayo si Jam at magkasabay silang naglakad patungo sa canteen.

“Nagtampo ka ano?’’ tanong ni Marie.

“Wala na yun. Kalimutan mo na ‘yun.’’

“Sorry ha?’’

“Wala na nga yun, bruhang ‘to.’’

Nakarating sila sa canteen. Pumila sila.

“Pumili ka na ng gusto at ako ang bahala,’’ sabi ni Marie habang magkasunod sila sa pila.

“Binibiro lang kita, bruha. Akala mo ‘to sineryoso.’’

“Ako na nga ang magbabayad. Para naman ma-kabayad ako sa pagtanggi sa’yo, he-he-he!’’

“Sira! Sige ikaw na nga ang magbayad.’’

Nakapili sila ng kakainin. Binayaran ni Marie.

Sa isang mesa sa sulok sila pumuwesto.

Habang kumakain, binati ni Marie ang kaseksihan ng kaibigan.

“Ang seksi mo, Jam, hanga ako. Ang ganda mo!”

“Ano yan puri o insult?’’

“Puri siyempre. Maganda ka naman talaga.’’

“Kailangan talagang magpaganda ako, Marie.’’

“Marami ngang mga kasama nating lalaki ang napapalingon sa iyo. Hinahabol ka ng tingin.’’

“May tumutulo ba ang laway?’’

Nagtawa si Marie.

“May nauulol na siguro sa’yo, he-he!’’

“Hayaan mo silang maulol.’’

Natapos silang kumain. Wala na silang napag-usapang iba pa. May itatanong pa sana si Marie pero pinigil niya ang sarili. Itatanong sana niya kung ano na ang nangyari sa kanila ng asawang babaero pero hindi na niya ginawa.

Pero nang magkasa­bay sila sa uwian, kinahapunan, nagtanong na siya kay Jam.

“Kumusta na ang mister mo, Jam?’’

“Ginantihan ko na siya!” (Itutuloy)

Show comments