Tuloy pa rin ang kolaborasyon ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) at Globe para sa taunang pagbibigay-parangal ng The EDDYS.
Ngayong 2024, muling magsasanib-pwersa ang SPEEd at leading telecom sa bansa, Globe, para sa 7th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) na gaganapin sa darating na Hulyo.
Inaasahang mas magiging malaki at mas exciting ang ikapitong edisyon ng pagbibigay parangal at pagkilala ng SPEEd sa mga natatangi, de-kalidad na pelikula na ipinalabas noong 2023 kasabay ng pagdagdag nila ng ibang special award.
Ayon kay Miss Yoly C. Crisanto, ang Chief Sustainability and Corporate Communications Officer ng naturang telecom company, isa ito sa mga paraan nila upang mas maisulong pa ang kanilang adbokasiya upang makatulong sa tuluyang pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Ang Globe ay kinilala ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) para sa hindi matatawarang pangako nito sa pangangalaga sa mga intellectual property at paglaban sa digital piracy.
Samantala, Kamakailan naman ay kinumpirma rin ng SPEEd na ang seasoned actor at kilalang sculptor na si Leandro Baldemor ang gagawa ng tropeo para sa The EDDYS ngayong taon.
Bukod sa pagiging versatile actor sa mundo ng showbiz, isa ring magaling na iskultor o wood carver si Leandro na mula rin sa kilalang pamilya ng mga visual artist sa Paete, Laguna.
Nauna rito, inihayag din ng SPEEd bilang pagkilala sa mga naging bahagi ng muling pagbangon ng movie industry, isang special award ang ibibigay sa 7th edition ng The EDDYS.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading broadsheet, top tabloid newspaper at online portals sa Pilipinas.