Chie, nagsalita sa pagiging red flag ni jake

Chie
STAR/ File

Posibleng magkamabutihan na sina Chie Filomeno at Jake Cuenca. Ayon sa aktres ay nasa dating stage na sila ngayon ng aktor. “We’re talking, taking our time. You can say dating, of course, yes. ‘Yung maganda kay Jake ay he knows where my heart is. Alam niya ang priority ko and hindi niya ako minamadali, ‘yun ‘yon. Very gentleman siya and he respects my decisions. He is willing to wait,” pagtatapat ni Chie.

Para sa dalaga ay nasa aktor ang lahat ng mga katangiang kanyang hinahanap sa isang lalaki. Ngayon pa lamang ay nararamdaman na ni Chie kung paano umibig si Jake. “Grabe siya magmahal. He is really passionate with his craft. Love na love niya ang family niya. He is really family-oriented, ‘yon ang ina-admire ko sa kanya, mabait. Alam n’yo kung gaano rin kabait si Jake. Alam natin kung gaano niya kamahal ‘yung ginagawa niya,” pagbabahagi ng aktres.

Matatandaang kontrobersyal ang naging hiwalayan nina Jake at Kylie Verzosa noong isang taon.

Para kay Chie ay hindi naman siya dapat makaramdam ng takot sa ginagawang panliligaw ng aktor. “I think he is mature enough na hindi papasok sa isang bagay na hindi pa siya ready, fully committed. So, kaya nga we are taking our time. I am taking my time also. Kasi I am really private with my relationships before. And right now, first time ko ever like may naka-date in this industry na naging public. ‘Yung mga tao ang bilis nila mag-conclude na ganitong tao si Jake kasi sa mga nakikita or nababalitaan. But alam ko at alam natin kung gaano kabait si Jake, kung gaano siya kamaa­laga and hindi siya red flag guys. Hindi siya red flag,” makahulugang pahayag ng dalaga.

Zaijian at Xyriel, hindi binebenta ang loveteam

Magkakatambal sina Xyriel Manabat at Zaijian Jaranilla sa seryeng Senior High na mapapanood na simula ngayong Lunes sa Kapamilya Channel at TV5.

Kahit magkasintahan ang mga karakter ng dalawa sa bagong proyekto ay hindi naman daw nangangahulugan na magtutuluy-tuloy na ang kanilang tambalan. “Hindi nga namin binebenta na loveteam kami. Ganoon lang talaga ‘yung istorya. Gano’n talaga sina Tim and Roxy na mag-jowa sila doon sa story. Pero hindi ibig sabihin noon ay parang may XyJian, walang XyJian,” paglilinaw ni Zaijian.

Wala rin umanong problema kay Xyriel kung hindi man nila mai-promote ni Zaijian ang kanilang tambalan. “Medyo nagkakaroon po kami ng sharing na if ever po gusto naming ma-develop ang craft namin, kung kailangan po ng love interest sa story. Kung ‘yon po ang kailangan para mag-work ang story ay okay lang po, wala pong problema. Pero hindi po to the point na talagang ipo-promote or ibebenta namin as loveteam. Parang hindi po kami magiging dependent sa isa’t isa. Pero wala po kaming problema kung ‘yung story ay may love interest po kami sa isa’t isa,” paliwanag ni Xyriel.   (Reports from JCC)

Show comments