Karapatan sa anak, may general rule?!

Boy, Pia at Alan

Hindi na bago sa atin ang mga sitwasyon kung saan naghihiwalay ang mga magulang at nag-aaway para sa pag-aari ng mga anak, lalo na dito sa Pilipinas.

Sa pinakahuling episode ng CIA with BA (Caye­tanos in Action with Boy Abunda), pinag-usapan ng magkapatid na senador Alan Peter at Pia Cayetano at ng TV host na si Boy Abunda ang reklamo ng isang ama (Gerry) na hindi pinapayagan na makasama ang mga anak na nasa pangangalaga ng ina (Luz).

Binigyang-diin ni Alan sa mga kasangkot at sa mga nanonood ngayong Linggo, Mayo 28, ang pangkalahatang patakaran sa mga ganitong kaso.

“Pagka-magkahiwalay, pero pareho n’yong anak, hindi mo pwedeng ipagkait na makita, makilala, makapiling ‘yung nanay o tatay, kung sino man ang may custody nung anak. Ang pinakaimportante sa batas ay ‘yung welfare at best interest nung bata,” sabi niya.

Ngunit may exception din ito, sabi ng senador. “Kung danger ‘yung isa (nanay o tatay) dun sa anak or kung merong restraining order for any of the reasons allowed by law na binigay either nung barangay or nung korte,” pagpapaliwanag ni Alan. “So kung sinabing masasaktan o sinasaktan ‘yung bata [o] inaabuso– it’s a danger dun sa child so pwedeng ipagbawal.”

Sa pagtatapos ng Case 2 Face segment, ipinakita ng programa na naayos ang kaso.

Show comments