Batang Quiapo... naka-44 milyong digital views sa pilot week

Lovi at Coco
STAR/ File

Matitinding salpukan ang bumungad sa viewers ng FPJ’s Batang Quiapo  matapos itong makakuha ng higit 44 milyong total digital views sa Kapamilya Online Live at iWantTFC para sa pilot week ng serye.

Patikim pa lang ang mga naunang episode na maaaksyong eksena dahil sasabak na rin sa bakbakan sina Supremo (Lito Lapid), isang ex-convict, at si RK Bagatsing bilang ang karakter na si Greg.

Daragdagan ni Greg ang patong-patong na problema ni Ramon (Christopher de Leon), isang high-profile kriminal na pinaghahanap na ngayon ng mga pulis matapos itong makatakas sa piitan sa tulong ng ama niyang si Don Julio (Tommy Abuel), isang makapangyarihang lider ng sindikato.

Ngayon na nakawala na si Ramon sa kulungan, desidido siyang ipahanap ang nag-iisa niyang anak na si Tanggol (Coco Martin) dahil gusto niyang ipagpatuloy nito ang lahat ng iligal niyang negosyo. Wala namang kamalay-malay si Tanggol sa tunay niyang amang si Ramon at ang mala-demonyong katauhan nito dahil una nang ginahasa ni Ramon ang nanay ni Tanggol na si Marites (Cherry Pie Picache).

Makuha kaya ni Ramon si Tanggol mula kay Marites? Magiging kakampi ba o kalaban ni Tanggol sina Greg at Supremo?

Ang FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films ay napapanood din gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at iba pang platforms.

Show comments