Enrique at Liza, hindi na naghihiwalay!

Hindi na nagulat ang mga tao nang tawagin ni Enrique Gil si Liza Soberano na “my one and only” nang batiin niya ng happy birthday ang aktres noong Jan. 4. Aminado naman silang dalawa sa kanilang relasyon noon pa man, na sa tingin namin ay hindi lang basta magsyota.

Magkasama sina Enrique at Liza ngayon sa US. Mabilis na pumunta sa US si Liza dahil sinasabing lumubha ang kalagayan ng kanyang lola na siyang nagpalaki sa kanya. Madali naman siyang nakaalis dahil siya ay Fil-Am at isang US passport holder. Nang umalis si Liza ay kasama na niya si Enrique.

Kung natatandaan din ninyo, noong kailangang magtagal si Liza sa US dahil sa pagpapaopera sa kanyang daliri na nadisgrasya sa taping ng kanilang serye noon, at naging dahilan din para hindi siya matuloy bilang Darna, kasama rin niya si Enrique.

Kaya nga marami ang naniniwala na bagama’t hindi pa naman sila nagpapakasal, mukhang mauuwi na nga sa kasalan pagdating ng araw. Tutal kapwa naman sila nasa edad na para luma­gay sa tahimik.

Marami nga ang nangangarap na magkatuluyan na ang dalawa, na nagsasabi pang siguro napakagaganda ng kanilang magiging mga anak. Sa hitsura nilang dalawa, hindi nga malayong maging artistahin din ang magiging mga anak nila.

Iyong fans naman nila masayang masaya dahil hindi kagaya ng ibang loveteams na nagsimulang akala mo ay totoong-totoo, tapos ay nagkahiwalay. Sina Enrique at Liza, mukhang wala na nga yatang makapaghihiwalay.

Alam naman ninyo dito sa show business, napakaraming intriga.

Sana lang huwag na silang maintriga para hindi naman masira ang kanilang magandang relasyon.

Bihira sa show business ang ganyan at nakakatuwa talaga kung ang mga magsyota ay nagkakatuluyan.

Mga sinehan, mas tumamlay sa alert level 3

Maliwanag na maski ang pelikulang inaabangan ng mga tao, ang Spider-Man ay mas mahina ang kita kaysa sa inaasahan, dahil nasabayan iyon ng alert level 3 at panibagong COVID scare dahil sa Omicron variant.

Kung iyan daw COVID scare na iyan ay nasabay pa sa MMFF, lalong bagsak iyon at malamang nagsara na lang ang mga sinehan.

May mga sinehan nga raw na dalawang screening na lang ang nagagawa noong MMFF dahil wala namang nanonood ng mga kasaling indie, salamat na lang at Spider-Man na nga ang palabas dahil kahit naman daw sabihin mong apektado rin, at least may nanonood pa rin ng sine.

Kaya nga lalong nabuo ang conclusion na dapat ang mga indie ay huwag nang ipilit sa mga sinehan at panatiliin na lang sa internet strea­ming, at maski ang MMFF kung hindi pa maibabalik ang mga dating commercially viable films, panatiliin na lang din muna nila sa internet para hindi naman nalulugi pati sinehan.

Minsan kasi ang iniisip nila ay makatikim naman ang mga pelikula na ipalabas sa sinehan at hindi naman iniisip na ang mga sinehan ay bahagi rin ng industriya na nalulugi nang malaki kung ganoong pelikula ang palabas.

Kung gusto nilang ibangon ang industriya, dapat gumawa sila ng mga pelikulang kikita.

Matrona at bading, nagpataasan ng bidding sa male star

May tsismis. Gusto raw maka-date ng isang mayamang bading si poging male star. Na-contact naman niya iyon sa pamamagitan ng isa niyang “friend.” Kaso matapos na magkasundo, mayroon daw isang matronang sosyal na tumawag din kay pogi, at nag-offer ng mas “malaki” kay pogi.

Nainsulto ang rich gay. Dinoble niya ang offer ng matrona. Lumaban naman ang matrona, dinoble rin ng offer ni rich gay. Akala mo nga raw auction sale ang naging labanan, at walang gustong umurong kahit sinabi na ni pogi na puwede naman siya the next day or two days after.

Hindi na namin alam kung sino ang nanalo sa bidding.

Show comments