Angeline, aminadong tinamad mag-vitamins kaya nagka-COVID-19

Angeline
STAR/ File

Tuluyan pa ring nagpapalakas si Angeline Quinto pagkatapos magkaroon ng COVID-19 kama­kailan. Ayon sa singer ay talagang nalampasan niya ang hamon ng buhay dahil sa kanyang pagkakasakit. “Hindi ko rin alam kung paano ko nakayanan na ilang araw akong andito lang sa bahay, sa kuwarto. Hindi ako puwedeng makisalamuha sa mga kasama ko sa bahay,” bungad ni Angeline.

Mabuti na lamang daw at wala na ang kinilalang ina ng singer na si Mama Bob. Matatandaang pumanaw ang ina ni Angeline bago matapos ang 2020. “Buti na wala ang mama dito. Kasi kung nag-positive ako na andito ang mama, baka hindi ko alam ang gagawin ko. Baka mas nataranta ako noong time na ‘yon. Kasi ang mama ko senior, tapos may heart condition ang mama Bob. Tapos ako pa ‘yung andito na nag-positive, so mahirap. Siguro talagang nagkataon na nangyari po sa akin ‘yon at si Mama ay nasa maayos na rin ngayon,” paliwanag ng dalaga.

Dobleng pag-iingat na ngayon ang ginagawa ni Angeline upang makaiwas sa sakit. Aminado ang singer na napabayaan din niya ang sarili kaya nangyari ito. “Hindi po talaga biro ang COVID. Alam ko naman at inaamin ko naman sa sarili ko na siguro talagang napabayaan ko ‘yung sarili ko noong mga panahon na ‘yon. Kasi sa totoo lang sa tuwing nauubusan ako ng vitamins, minsan tinatamad na ako magpabili. Parang ilang linggo rin ako hindi nakapag-take ng vitamins. Na-realize ko lahat ‘yan noong nag-positive ako. ‘Yon pala ang naging pagkukulang ko sa sarili ko. Ang hilig-hilig ko magsabi sa iba na ‘Uy! Mag-ingat ka ha, ingatan mo ang pamilya mo, may nanay ka doon. Huwag kang labas nang labas.’ Tapos ako ‘yung nagkaroon ng COVID,” pagbabahagi ng singer.

Yam, hindi nagmalisya kay Gerald

Gabi-gabi nang napapanood ngayon sa Kapa­milya Channel ang teleseryeng Init Sa Magdamag na pinagbibidahan nina Gerald Anderson, Yam Concepcion at JM de Guzman.

Mula nang ipalabas ang trailer nito sa social media ay maraming netizens na ang nagpayo kay Yam na mag-ingat at umiwas kay Gerald dahil sa pagiging babaero diumano ng aktor. “Nababasa ko ‘yung comments and nakakatuwa and nakakatawa na makita ‘yung reaction nila. Sabi ng mga netizens, ‘Oy! Yam, mag-ingat ka kay Gerald ah.’ Hindi ko kailangang mag-ingat kasi no’ng nakilala ko si Gerald madaming hindi nakakaalam, sinasabi nila matinik sa babae or hindi loyal, ganyan. Hindi eh, he’s very professional at saka very gentleman. Hindi niya pinaramdam sa akin na may malisya or what. It’s just purely work,” paglilinaw ni Yam.

Ayon sa dalaga ay medyo natagalan din ang ginawa nilang paghahanda ni Gerald upang maging maayos ang maseselan nilang eksena sa bagong serye. “’Yung pinakaunang shinoot namin ni Gerald na medyo intimate scene, ‘Yon ‘yung first lock-in namin na hindi pa kami gano’n ka-close. Nandun pa ‘yung ilangan and stuff. Kinailangan naming magkaroon ng 30 minutes with each other to get to know each other. Then eventually parang naging natural na lang ‘yung chemistry naming dalawa and we got comfortable with each other. Nakatulong ‘yung rapport namin and sa working relationship naming dalawa,” pagbabahagi ng aktres.  (Reports from JCC)

Show comments