Babaeng personalidad na kontrobersyal ang lovelife, kinalimutan ang mga kamag-anak na tumulong sa kanilang pamilya

Totoo kayang lihim na ikinangingiti ng mismong mga kadugo niya ang mga nagaganap na kontrobersiya ngayon tungkol sa isang female personality?

Sa halip na maging kakampi sa laban ay kontrang-kontra pa ngayon ang mga kadugo ng babaeng personalidad, may mga kuwentong lumulutang ngayon, na ang kampo mismo ng mga kadugo niya ang nagpapasimuno.

Pero malayo sa kuwento ng kanyang lovelife ang pinagpipistahang kuwento ngayon tungkol sa female personality kundi sa maaga niyang pagkakaroon kuno ng amnesia.

Kuwento ng ­aming source, “Malayo, walang kinalaman sa kinasasadlakan niyang lovelife ngayon ang mga kuwento tungkol sa girl. Ang kawalan niya ng utang na loob ang issue ngayon.

“Sana raw, e, balikan ng girl ang nakaraan,’yun daw ang makapagpapaalala sa kanya na lumingon, ‘yun ang kuwento!” napapailing na sultada ng aming impormante.

Maraming taon na ang nakararaan ay dinaluyong ng problema ang pamilya ng female personality. Kapos na kapos sila sa pera, walang sariling tirahan, nakikitira lang sila nu’n sa bahay ng isang kapamilya nila.

Patuloy ng aming source, “Walang-wala sila nu’n, hindi regular ang trabaho ng parents niya, kaya ang mga tita niya ang tumutulong sa kanila.

“Ang ganda-ganda ng career nu’n ng isang tita niya, napakaraming datung, kaya ‘yun ang sumusuporta sa kanilang family.

“Pati ang pag-aaral nilang magkakapatid, ang tiyahin nilang ‘yun ang sumasagot, lahat ng pangangailangan nila, e, hindi naging problema dahil tinustusan sila ng tita niya.

“Nagkabaligtad ang sitwasyon, umikot ang gulong ng buhay, ang nakapailalim nu’n ang nasa ibabaw na ngayon. Ang tita niya naman ang nangangailangan ng ayuda, pero nasaan na si girl?” tanong-opinyon ng aming impormante.

Deadma, as in deadma lang, ang female personality sa pinagdadaanan ngayon ng kanyang tiyahin kahit pa alam niya namang nangangailangan ngayon ng tulong ang dating sumusuporta sa kanyang pamilya.

Hirit pa uli ng aming source, “Ngayon siya dapat tumanaw ng utang na loob, ngayon siya dapat gumanti sa kabutihan ng tita niya nu’ng walang-wala sila. Ito ang right time.

“Pero ano ang ginagawa niya? Deadma lang siya, wala siyang pakialam, isa lang ang pakialam niya ngayon, ang controversial lovelife niya!

“Maligayang-maligaya sila ngayon ng isang male personality na napakagaling lumusot sa mga problema sa lovelife niya! Magsama silang dalawa!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris, naghahanap ng stress sa social media

May punto ang mga nakausap namin tungkol sa pag-iingay na naman ngayon ng Pambansang Taklesang si Kris Aquino. Paano nga naman gaga­ling ang kanyang sakit kung ganyan na kapag nakaharap na siya sa kanyang mga gadgets ay naghahamon siya ng giyera?

Sabi pa ng isang abogadong kaibigan namin, “She keeps on talking about her autoimmune disease, idine­detalye pa niya ang sakit niya, bawal na bawal ang stress sa kanya, pero ano ang ginagawa niya ngayon?

“She’s inviting stress! She opens all her doors para pasukin siya ng stress! Kris really speaks with two tongues!” madiing komento pa ng aming kausap.

Kauna-unawa naman ang kanyang punto bilang depensa sa kanyang mga anak lalo na sa walang kamuwang-muwang na si Joshua. Kahit sinong ina ay paplakaduhin din ang pagtatanggol na ginagawa ngayon ni Kris para sa kanyang panganay at sa bunsong si Bimby.

Fake news na nagdadalantao ngayon ang yaya ni Josh, walang alam sa kamunduhan ang kanyang panganay, at si Bimby naman ay walang habas na pinagbibintangang beki sa batambata pa nitong edad ngayon.

Pinakyaw nga naman ang kanyang mga anak sa kontro­bersiya, parehong sinasaktan, kaya parang kapanganganak na tigre si Kris ngayon na handang lumundag para sakmalin ang mga naninira sa kanyang mga anak.

Pero makatutulong ang payo ng mga bukas ang isip tungkol sa kanyang bunso. Piliin na lang sana ni Kris ang mga video na ipino-post niya sa social media.

Huwag na niyang inilalabas pa ang mga video o larawang nagbibigay ng kakaibang insinwasyon tungkol sa kasarian ni Bimby. Kris na Kris kasing gumalaw at magsalita si Bimby dahil palagi silang magkasama.

Gayang-gaya siya ng kanyang bunso, pati ang halakhak na kanyang-kanya lang ay isandaang porsiyentong plakado ni Bimby, na nagbubukas ng pintuan ng pag-aalinlangan at pambabato ng pagdududa sa kasarian ng kayang bunso.

Pero kung kilala nga natin si Kris Aquino ay hindi siya makikinig sa ganu’ng payo. Si Kris Aquino siya, siya ang reyna ng kanyang sarili, siya ang dapat masunod sa ayaw at sa gusto ng kahit sino.

Show comments