^

Mga pinagkakautangan ng aktres, nagkaroon ng pag-asang mababayaran

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 24, 2021 - 12:00am

Nabuhayan ng loob ang mara­ming inabala nu’n ng isang kilalang female personality nang lumabas ang balita na isang lalaking mula sa buena familia ang mapapangasawa niya.

Nagtawagan agad ang mga pinagkakautangan ng aktres, masaya ang tono ng kanilang boses, dahil may pag-asa na raw silang mabayaran.

Sa wakas, sabi ng mga ito, may sasalo na sa mga obligasyon ng female personality na matagal na panahon na nilang hinihintay.

Kuwento ng isang source, “Alam n’yo ba na nu’ng ang karelasyon pa niya, e, isang kilalang politician, nakipag-­usap na rin sa kanya ang mga pinagkakautangan ng girl?

“Wala na kasi silang pag-asang mababayaran pa sila ng female personality, kaya kahit wala namang kinalaman ang karelasyon niya sa mga pagkakautang niya, e, kapit sa patalim na ang ginawa ng mga inabala niya para lang siya mabayaran!

“Kaso, pare-pareho lang naman pala silang problemado! May mga kinukuha ring milyones sa kanya ang girl na ipamumuhunan kuno sa isang malaking show, pero wala namang bumabalik na kahit magkano du’n sa guy!

“Ilang shows ang sinalihan kuno ng girl, pero tapos na ang palabas, wala pa ring bumabalik sa boyfriend niya, mahirap daw kasing maningil sa mga advertisers!” unang pasabog ng impormante tungkol sa female personality.

Umuwing luhaan ang mga inutangan ng female personality, paano nga naman sila makasisingil sa karelasyon niya, samantalang pare-pareho lang naman pala silang kinunan nang milyones ng babae?

“Walang nagawa ang boyfriend niya, wala siyang pambayad, dahil ang kadatungan nga nu’ng politician, e, nasa girl din! Wala pang ibinabalik sa kanya!

“Kaya nga nu’ng lumabas ang balita na malapit nang ikasal ang girl sa isang milyonaryong businessman, e, parang nag-fiesta ang mga pinagkakautangan niya!

“Kulang na lang na sabay-sabay silang mag-tik-tok sa sobrang saya! Sa wakas nga naman, e, mukhang may pag-asa na silang mabayaran!

“Dumating na ang pag-asa, nand’yan na, dahil siguradong sasagutin ng mapapangasawa niya ang lahat ng mga problema niya! Sure na sure na ‘yun!

“Sa wakas, nakahukay na ng mina ng ginto ang girl! Makapagbabayad na siya, tapos na ang mga pangako niyang palagi namang napapako!” natatawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Willie, kinuha si Mr. M

Pagdating sa pagtanaw ng utang na loob ay isa si Willie Revillame sa hindi dinadapuan ng amnesia. Pinahahalagahan niya ang mga taong nakatulong sa kanya para maabot niya ang kinalalagyan niyang posisyon ngayon.

Nakalista ‘yun sa kanyang puso. Hinding-hindi niya nakakalimutan. Magdaan man ang mahabang panahon ay buhay na buhay sa kanyang isip ang pagtanaw ng utang na loob.

Masama ang loob ni Direk Johnny Manahan sa pagkasibak ng binuo nitong musical variety show sa TV5. Ayon sa pahayag ni Mr. M ay pinaniwala ito ng Brightlight Productions na anim na buwang tatakbo ang SNL, pero sa ikatlong buwan pa lang ay nawala na sa ere, ito ang unang pagkabigo ng direktor sa kanyang mahabang karera bilang direktor ng telebisyon.

Nang malaman ‘yun ni Willie ay agaran niyang sinabi sa Wowowin (Tutok To Win) “We need you here, Mr. M. Usap tayo, direk. Nandito na si Direk Bobot (Mortiz), ikaw pa ba ang pababayaan namin?” sinserong pahayag ni Willie.

Sa isang panahong walang nagtitiwala kay Willie bilang host ay isa si Direk Johnny Manahan sa nagbigay nang isandaang porisyentong paniniwala sa kanyang talento.

Mahabang panahon ang pinagsamahan nila sa Wowowee, numero uno ang kanilang tambalan, hanggang sa patalsikin si Willie ng istasyon.

Pero ang TV host na parang pusang may siyam na buhay ay hindi naapektuhan, namayagpag siya sa TV5, nang matapos ang kanyang kontrata ay lumipat naman siya sa GMA-7.

At ngayon ay matatag na matatag ang kanyang Tutok To Win, milyun-mil­yong kababayan nating kapos sa buhay ang kanyang natutulungan, bukod pa sa pagbibigay niya ng ayuda sa mga lugar na biniktima ng kalamidad.

Hinding-hindi pagdadamutan ng posisyon ni Willie si Direk Johnny Manahan, kung siya ang hinagisan nu’n ng salbabida ng direktor sa kanyang pagkalunod, ngayong siya naman ang may kakayahang tumulong sa henyong direktor ay dalawang-kamay siyang nakahanda.

Ibang-iba talaga ang may pinagsamahan. Ibang-iba ang samahang pinapagitnaan ng tiwala at pagmamahal.

At ibang klaseng tumanaw ng utang na loob si Willie Revillame. Hindi siya nakalilimot sa pagbagsak at sa pagbangon, sa makapal at sa manipis, sa lahat ng uri ng panahon.

MR. M
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with