Sec. Roque hiniritan ang choosy ni Vice

Harry Roque at Vice Ganda

Maraming nag-react nang sagutin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang choosy statement ni Vice Ganda tungkol sa bakuna last week.

Kahapon sa kanyang press briefing ay sinabi ni Sec. Roque na mali namang ikumpara sa sabong panlaba ang vaccine sa COVID-19. Hirit ni Sec. Roque : “Alam n’yo po, mali naman na ikukumpara ‘yung bakuna sa sabon na panlaba. Eh kung hindi naman natin pagtitiwalaan ang mga expert na tatlong batches ng experts pa ang magsasabing puwede natin gamitin ‘yan at magiging basehan para mag-issue ng EUA. Eh sino ang ating paniniwalaan? Siguro po hindi naman komedyante.”

A week ago nang mag-viral ang tweet ni Vice na “Sa sabong panlaba nga choosy tayo e sa bakuna pa kaya. Ano to basta may maisaksak lang?! Vaklang twoooaahhh!!!”

Nauna nang sinabi ni Sec. Roque na “Totoo po, mayroon tayong lahat na karapatan para sa mabu­ting kalusugan pero hindi naman po pupuwede na pihikan dahil napakaraming Pilipino na dapat turukan.

“Wala pong pilian, wala kasing pilitan. Pero magsa-sign ka ng waiver na hindi ka nagpaturok at kapag ikaw ay mayroong prayoridad, siyempre mawawala ang prayoridad mo, sasama ka doon sa the rest ng taumbayan na naghihintay ng bakuna.”

Tumanggap nga ng tambak na pagkontra ang nasabing statement na ‘yun ni Sec. Roque dahil pera nga naman ng bayan ang ipambibili ng nasabing panturok kontra COVID.

Kanya-kanyang team ang netizens kahapon – may team Harry and team Vice.

Habang sinusulat namin ito ay wala pang sagot si Vice.

Bukod sa brand ng vaccine, tinututukan din ngayon ng marami ang presyo nito matapos makita sa social media na mas mura ang presyo nito sa ibang bansa kesa sa charge sa Pilipinas.

 

Show comments