^

Balik sa dating gawi

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 9, 2021 - 12:00am

Male personality na mahusay sa kanyang propesyon, baon na baon na naman sa utang dahil sa pagsusugal

Parang artista na rin ang da­ting ng isang male celebrity sa kanyang piniling propesyon. Meron na siyang mga tagahanga, kilalang-kilala na kasi siya sa kanyang larangan, ang kulang na lang ay ang umarte siya sa harap ng mga ca­mera.

Nakapanghihinayang ang talento ng taong ito kung mauuwi lang sa wala. Napakatagal niyang nagsikap, nagsakripisyo, pero mukhang mababalewalang lahat ‘yun kapag hindi siya nagbago.

Kuwento ng aming source, “Wala siyang kadala-dala! Ilang beses na siyang  nalalagay sa alanganin, meron lang sumasalo sa kanya, pero grabe pa rin siyang magsugal!

“Nakapanghihinayang ang future niya, may ikakasa pa kasi siya sa profession niya, pero mukhang sisirain siya ng bisyo niya!” unang kuwento ng aming source.

Nakakaawa ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya, wala na siyang pinaki­kinggan, ginagawa niya ang lahat ng paraan para makatakas siya.

Patuloy ng aming source, “One day, e, mababalitaan na lang nating kaliwa’t kanan ang kaso ng lalaking ‘yun! May mag-umpisa lang na magdemanda sa kanya, e, sunud-sunod na ang magsasampa ng kaso sa kanya.

“Baon na baon na siya sa utang, napakarami na niyang inaabala, puro pangako lang siyang magbabayad pero wala naman siyang naiaayos na pagkakautang!

“Ang laki-laki ng sinusuweldo niya, pero nauuwi lang ‘yun sa sugal, saka nakapanghihinayang ang nawawala niyang energy sa pagka-casino!

“’Yun pa naman ang kailangang-kailangan niya sa trabaho niya, malusog at malakas na katawan, siguradong maaapektuhan na ‘yun sa kabababad niya sa pagsusugal!

“Sayang na sayang siya. Minsan na siyang bumaklas sa bisyo niya, akala naman ng mga nakapalibot sa kanya, e, hindi na siya babalik pa, pero heto na naman siya!

“Paano pa siya makakatanggap ng papuri kapag ganyan na wala na siyang ibubuga sa trabaho niya? May maririnig pa kaya tayong sigaw na three points kung ganyan na wala na siyang ilalabas dahil nasira na ‘yun ng kapupuyat at kasusugal niya?” tanong-opinyon na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Drinks sa party mas pinababantayan kesa sa p-P-!

Matinding lungkot na nga agad ang hatid sa atin ng pandemya ay napakarami pang nagaganap na krimen ngayon na mas nagpapalungkot sa ating bayan.

Isang nakamotorsiklong may nakagitgitan lang sa kalye, binaril, patay! Isang naghuramentadong pulis, parang manok lang na pinagbabaril ang mag-ina, patay!

Nakakapanghilakbot. Hindi pa man humuhupa ang pagpaslang sa mag-ina ay heto na naman. Isang flight attendant na bukod sa maganda na ay nagtapos pang katangi-tanging estudyante sa UP, dumalo lang sa isang party, natagpuang patay!

Agarang nagpahayag ang kapulisan na “case closed” na ang naganap kay Christine Dacera, ikinulong ang tatlong pinaghihinalaan pero pinakawalan din dahil sa kakapusan ng ebidensiya, nang hinahanap na ang mga karagdagang pruweba ay inembalsamo muna pala ang bangkay bago sumailalim sa medico legal.

Hindi namin makakalimutan ang pananangis ng ina ni Christine Dacera. Nang magkuyom ito ng magkabilang kamao sa panghihingi ng hustisya sa sinapit ng kanyang anak ay pusong-bato lang ang hindi makikisimpatya sa kanyang sigaw.

Ngayon lang habang sinsusulat namin ang kolum na ito, isang kilalang babaeng personalidad ang tumawag sa amin, awang-awa ito sa naganap kay Christine.

Ang kanyang sabi, “Napanood ko ang sinabi ng isang friend ni Christine na kasama niya sa party. Sinabi niya sa beki na parang may naglagay ng kung ano sa iniinom niya.

“Du’n ako ingat na ingat. Kapag nasa party ako, mas binabantayan ko pa ang glass ko kesa sa pek--k ko. Dala-dala ko ‘yun kapag umaalis ako sa table dahil mahirap na.

“Ganu’n talaga dapat dahil may mga taong mapag-trip. Hindi mo naman kilala ang lahat ng nasa party, kaya tripleng ingat dapat kapag ganu’n,” sabi ng aming kakuwentuhan.

Nakikiramay kami sa mga inulila ni Christine Dacera. Totoo ang sinabi ng kanyang ina, anak dapat ang naghahatid sa kanyang mga magulang sa huling hantungan, hindi kabaligtaran.

Huwag sanang mauwi sa wala ang pagkawala ng dalaga, habampanahong multo na mangliligalig ang naganap sa kanyang pamilya, hustisya lang ang kahit paano’y makababawas sa kanilang pagdadalamhati ngayon.

 

GAMBLING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with