Mayor Goma, may bagong achievement

Richard

Bagama’t ngayon nga ay mas abala ni Mayor Richard Gomez bilang punong bayan ng Ormoc kaysa sa pagiging isang actor, hindi pa rin maikakailang artista siya. At ang kanyang pagiging second Vice President ngayon ng Philippine Olympic Committee ay malaking karangalan din ng mga kasama niya sa showbiz. Aba ngayon lamang may artistang nakarating sa ganyan kataas na posisyon sa sports.

Sportsman naman kasi talaga si Mayor Goma. Siya lamang ang nag-iisang naging national athlete sa apat na magkakaibang sports.

Ilang ulit na rin siyang naging chief of mission ng Philippine Team. At ngayon nga isa sa pinaka mataas na opisyal ng Philippine Olympic Committee.

Nora ipinipilit na national artist

Nakakatuwa naman at maging ang ilang mambabatas ay concerned yata sa deklarasyon ng national artist. Bagama’t masasabi nating wala yata sa linya ng kanyang party list na ACT-CIS na dapat ay concerned sa mga criminal cases, nagawa pang hilingin ni party list congresswoman Nina Taduran na ideklara nang national artist si Nora Aunor.

Hindi na bago iyan. Noon si party list congressman Rodel Batucabe ng Ako Bicol na nagharap pa ng resolusyon para gawing national artist si Nora Aunor, at nang hindi pansinin ni dating Presidente Noynoy ang nominasyon ni Nora, hiningi pa ni Batucabe na magpaliwanag ang presidente kung bakit naitsapuwera ang kababayan niyang Bicolana. Hindi siya pinansin ng dating presidente.

Aywan kung bakit sa dinami-dami ng sangay ng sining, pelikula lamang ang interest ng mga party list representatives na pakialaman na maideklarang national artist. Wala sa kapangyarihan ng Kongreso ang gumawa kahit na ng nomination para sa isang gagawing national artist.

Maliwanag ang naging interpretasyon ng Korte Suprema sa nominasyon at deklarasyon ng national artists. Ang joint committee ng CCP at NCCA ang siyang gagawa ng nomination at magsusumite nito sa Malacañang. Iyon naman ay pagtitibayin ng presidente ng Pilipinas sa pag-gawa ng proklamasyon para sa bawat isang national artist. Iisa-isahin iyan ng presidente, at bagama’t ibinawal ng Korte Suprema na magdagdag ang presidente sa mga nominado, kinilala naman ng Korte ang prerogative ng isang presidente na tumanggi sa nominee. After all ang presidente pa rin ang siyang magdedeklara kung sino ang dapat na maging national artist.

Hindi rin namin alam kung bakit sa kaso ni Nora, dalawang beses na siyang “nabimbang”. Una noong panahon ni dating presidente Noynoy, at pagkatapos ganoon din kay Presidente Digong. Sa pagkakataong ito na ipinipilit pa rin ng CCP at NCCA ang nagawa na nilang nominasyon kay Nora Aunor, hintayin na lang natin kung ideklara na nga siya ni Presidente Digong, o mabibimbang siya ulit.

Male fashion consultant, binasted ang aktor na ‘manliligaw’

Ang haba ng kuwentuhan namin ng isang male fashion consultant noong isang araw. Wala sa plano namin iyon, nagka-kape lang kami sa isang coffee shop nang dumating din ang fashion consultant at nakipagkuwentuhan. Bago naging consultant ay isa siyang male fashion and commercial model, na puwede dahil pogi naman siya talaga. Pero ang natuwa kami ay ang kanyang mga kuwento.

Nabanggit kasi niya ang isang popular matinee idol, at kung papaano siyang niligawan noon, noong nagsisimula pa lamang siya. Noong una raw hindi siya naniniwala, dahil lalaki nga iyon at bakit naman siya liligawan. Hanggang minsan hindi na raw siguro nakatiis, kinausap siya at sinabi kung ano ang gusto noong mangyari.

Eh bata pa raw siya noon, at hindi pa naman naiintindihan ang mga bagay na ganun. At saka inamin niyang natakot din siya. Hindi niya pinatulan ang gay matinee idol. Tumigil naman daw iyon sa pagpunta-punta sa kanya at tumigil na rin ang pagre-regalo.

Show comments