Maraming puwedeng pumalit female personality, walang bagong maipakita!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - September 26, 2020 - 12:00am

Maraming nanghihinayang sa ganda at ta­lentong meron ang isang female perso­nality. Marami na siyang pinagbidahang serye, nakilala siya sa pakikipagpareha sa isang guwapong male personality, pero bakit nga ba siya napag-iwanan ng mga kasamahan niyang artista sa kanilang network?

Tapos na ang kanyang kontrata pero wala pang pahimakas na papipirmahin siya ng panibago. Anyare?

Kuwento ng isang source, “Baka pinagmitingan siya ng mga bossing ng network. Alam n’yo naman ngayon, kailangang piling-pili talaga ang inire-renew nila dahil napakaraming nakaambang lumundag na artista sa istasyon nila.

“Baka hindi na siya nagmarka, baka wala na siyang bagong maipapakita, kaya hindi na siya ire-renew,” puro baka lang ang nasabi ng aming source.

May kakaibang pananaw naman ang isa pang source, ang kanyang komento, “Alanganin kasi siyang bata na alanganin ding matanda na dahil sa itsura niya.

“Sa biglang tingin, e, para lang siyang bagets, pero hindi naman, kaya mahihirapan siguro ang production people sa pagpa-package sa kanya.

“Nakakapanghinayang lang dahil naging loyal siya sa network, du’n na talaga siya nagdalaga, pero mukhang Malabo na nga siyang bigyan ng kontrata.

“Hindi niya naman kasalanan na maliit siya, hindi rin niya kasalanan na may mga ipinabago siya sa katawan niya para magmukha na siyang adult, di ba?” napapailing na pahayag ng aming source.

Mabuti na lang at bukod sa pag-arte at pagkanta ay meron pang ibang talento ang female persona­lity. Natuto siyang magnegosyo.

Komento ng aming impormante, “Mabuti na lang talaga at meron siyang pinagkakaabalahang iba ngayon. Natuto siyang mag-business. Maganda ang ginagawa niya.

“Kesa naman sa magmukmok siya at mag-alala sa career niya, at least, napapakinabangan niya ang panahon niya, kumikita siya, di ba?

“Malay natin, baka one day, e, nasa ibang network na rin siya. Maganda naman siya, may talent naman siya, kaya why not?” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

James hindi memoryado ang bahay kubo

Si James Reid ang napisil ng Department of Agriculture bilang Food Security Ambassador ng departamento. Dalawa na sila ni Alden Richards na nag-eendorso ngayon ng mga sangay ng ating pamahalaan.

Pero mukhang sablay ang DA sa pagkuha sa guwapong aktor, simpleng tanong lang kung anong gulay ang paborito niya ay nahirapang sumagot si James, nauwi ‘yun sa kangkong na kinakain niya raw sa sinigang.

Dapat sana’y ipinakabisa muna kay James ang Bahay-Kubo, nasa piyesang ‘yun ang mga pangalan ng gulay, para hindi siya nangangapa ng isasagot.

Paano naman natin maaasahan si James na maglitanya ng iba’t ibang klase ng gulay samantalang hindi naman siya dito lumaki? Sa Australia siya nanggaling, natural lang na puro steak ang kinakain nila du’n, kaya paano siya magiging pamilyar sa mga gulay na kinakain natin dito sa Pilipinas?

Kangkong lang ang naisagot niya, na idinikta pa nga sa kanya, hindi niya kasi alam ang talong, ampalaya, sigarilyas, saluyot, kalabasa at iba pang klase ng mga gulay.

Mahirap isalang ang isang personalidad sa isang trabahong hindi muna niya pinag-aralan. Talagang mag-aapuhap siya ng isasagot tungkol sa mga paborito niyang gulay dahil hindi naman siya kumakain nu’n.

Ang sakop pa naman ng pagiging ambassador niya ng DA ay ang mga magsasaka at ma­ngingisda. Baka kapag tinanong siya kung anong klase naman ng isda ang paborito niyang kainin ay mangapa na naman siya ng isasagot?

Kailangang maipakilala na agad kay James ang bangus, tilapya, galunggong, hito, kapak, pompano, liwalo, dalag at iba pang mga klase ng isda na mabenta dito sa atin.

Pero kung kaguwapuhan ang pag-uusapan ay panalung-panalo naman ang ambassador ng DA, siguradong pagpipistahan si James Reid sa mga probinsiyang pupuntahan nila ng mga tagapamuno ng ahensiya.

Sa presensiya pa lang ng guwapong aktor ay hindi na siguro mapapansin ng mga kababayan natin na kangkong lang na inihahalo sa sinigang ang alam niyang gulay.

Pero siguro naman ay kabisado ni James Reid ang sibuyas, kamatis, bawang at luya, dahil pangsangkap din naman ang mga nabanggit sa pagluluto nila ng mga nakasanayan niyang kaining putahe sa Australia.

Ha! Ha! Ha! Ha!

PERSONALITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with