Mark, ayaw makisali sa mga pinagkakalat ni BB

Mark Bautista

Iwas-pusoy si Mark Bautista sa isyu ni BB Gandanghari na tuluy-tuloy pa rin ang mga rebelasyon sa kanyang YouTube Channel.

Aware naman ang lahat na pinag-usapan din noon ang libro niyang Beyond Mark kung saan meron din siyang rebelasyon doon, pero maingat si Mark para hindi makadamay sa ibang taong nananahimik.

Kaya sa virtual mediacon ng All-Out Sundays noong nakaraang Huwebes, hiningan ko siya ng reaksyon kung ano ang masasabi niya sa mga pasabog ni BB Gandanghari na may ibang nadadamay. “Shucks!” ang una niyang nasabi, at umiwas na siyang pag-usapan ito. “Ayokong mag-comment kasi istorya nila yan. So, wala akong…yeah! That’s their story, hindi ako puwedeng mag-comment. Yun lang.”

Gusto ko pa sanang mag-follow up question pero nahalata ko nang ayaw na niyang magsalita.

Agree rin naman si Mark na maaaring dala na rin ng boredom o epekto na rin ng pandemya kaya ang daming mga isyung nabubuhay at muling pinag-uusapan.

Lalo na’t nakatutok ang karamihan sa social media.

“So, depende na kung…sabi nga nila, just choose your battle kung ano ang gusto n’yong pag-usapan o gusto n’yong i-tackle. Nasa sa ‘yo na yan,” sabi pa ng male balladeer.

Mas gusto na lang ni Mark na mag-focus sa mga gagawin niya sa All-Out Sundays na kung saan sa studio na sila magpi-perform. Excited siya sa gagawin niyang showdown sa special guests nilang BuDaKel na sina Bugoy Drilon, Daryl Ong at Michael Pangilinan, kasama si Christian Bautista at ang taga-The Clash na sina Garret Bolden at Je­remiah Tiangco.

Kyline dini-discourage ang mga manliligaw

Doon pa rin sa virtual mediacon ng AOS, nabanggit ni Kyline Alcantara na ngayong 18 na raw siya, gusto na sana niyang mabigyan ng proyektong medyo matured role. Isang role na hindi pa niya nagampanan noon.

Na-inspire siya kay Nora Aunor kaya gusto niyang magampanan ang challenging roles na ginagawa ng original superstar. Sa maiksing pagsasama nga raw nila sa ­taping ng Bilangin ang Bituin sa Langit ay marami raw siyang natutunan kay Ate Guy.

Pero sinundan namin ng tanong ang young actress na dahil 18 na siya, handa na rin ba siyang magka-lovelife? Napangiti na lang si Kyline dahil tingin daw niya hindi siya agad magugustuhan ng mga kalalakihang balak siyang ligawan.

Pero kung sakaling magka-lovelife man daw siya, mas gusto raw niyang pribado lang. “Importante siguro na meron ka pa ring kini-keep sa sarili mo like what Gabbi (Garcia) said,” pakli niya  nung nakaraang mediacon ng AOS.

At kung sakaling may balak man daw na manligaw sa kanya ay baka umatras din daw. “Eversince, lumalaki ako kasama ko mga lalaki, only girl po ako, then sa mga pinsan ko, only girl ako sa father and mother side kaya siguro matu-turn off sila, kasi tinu-tropa ko sila agad,” sabi pa ni Kyline.

Habang sinasabi iyon ni Kyline, umaayon naman si Ruru. Kaya sinundot ko siya ng tanong na gusto rin ba niyang itago ang kanyang lovelife, at hindi niya ito aaminin sa publiko.

Magkakaiba naman daw kasi ang gusto ng mga tao, sabi niya,

“May mga tao na siguro okay lang po sa kanila na i-share ang bagay na yan at masaya na sila dun. Pero may ibang tao naman na siguro na mas minabuti po nila na itago. Pero hindi po ibig sabihin na hindi ka proud sa tao na yon,” pakli niya.

Darating naman daw ang tamang panahong ibabahagi nila ito sa publiko.

Pero tinanong ko pa rin si Ruru kung paano niya i-describe ang lovelife niya lalo na ngayong nasa pandemic.

“Amazing” ang matipid niyang sagot.

Makakasama ni Ruru si Bianca Umali na girlfriend ni Ruru sa isang segment ng AOS na Pasa Mode na kung saan makakalaban nila sina Rayver Cruz at Kyline Alcantara.

Show comments