Female personality kapos sa utang na loob

Ang utang na pera ay nababayaran at puwedeng bayaran. Ang utang na loob ay walang katapat na kahit magkano at pagtanaw at pagpapahalaga lang ang makakatumbas nu’n.

‘Yun mismo ang binitiwang pahayag ng isang beteranang aktres tungkol sa isang kilalang female personality na kapos sa pagtanaw ng utang na loob sa taong nagmagandang-loob na kupkupin siya, palakihin at mahalin.

Kuwento ng aming source, “Hindi na iba sa family nila ang veteran actress, parang kapamilya na rin nila ang taong ‘yun, kaya madalas niyang kausapin ang girl na sana, e, magpakumbaba na siya.

“Pero ang beteranang persona­lity mismo ang nakapagpatunay na matigas talaga ang loob ng girl, maldita, hindi siya nakikinig sa mga payo ng mga taong nagmamalasakit lang naman sa family nila.

“Nabigo ang veteran actress sa pakikipag-usap sa female personality, walang positive na naging resulta ang mga payo niya, kaya tinigilan na rin siya,” unang kuwento ng ­aming impormante.

Ganu’n din ang emosyon ng mga kamag-anak ng female personality na dapat niyang tanawan ng utang na loob. Matigas ang puso ng mas nakababatang babaeng personalidad.

“Pusong-bato ang girl na ‘yun, wala siyang pinakikinggan, hindi man lang siya magbalik-ta­naw. Kundi siya kinupkop nu’ng female persona­lity, e, nasaan na kaya siya ngayon?

“Imposible bang siguro, e, kung ano na ang buhay niya? Pasalamat dapat siya dahil may mga kamay na nagpala sa kanya. Anuman ang naging pagkukulang ng kinilala niyang mommy, dapat, e, pinalalampas na lang niya ‘yun!

“Huwag na kasi siyang kuda nang kuda! ‘Yun ang hindi maganda sa kanya, e. Wala na siyang tinitingnang estado at edad ng kinakalaban niya!

“Sa age na age na lang nila nu’ng veteran singer-actress na kinakalaban niya, e, mahiya na sana siya! May pinagsamahan din naman sila, nakatulong din naman sa buhay nila ng ex-husband niya ang taong ‘yun, di ba?

“Haaayyy! Magpakumbaba na lang sana siya, walang resultang maganda ang kakukuda! Lalo lang magkakaroon ng pader sa pagitan nila!” napapailing na komento ng aming impormante.

Ubos!

Korina mas pinaboran kesa kay kris para sa talk show ng TV5?!

Pinagpipistahan na ang balita na si Korina Sanchez ang ipinalit kay Kris Aquino sa isang programang plantsado na sanang eere sa TV5.

Si Korina pala ang tinutukoy ni Kris na “more viable” sa kanyang IG post. Diretsong inanunsiyo ni Kris na wala na siyang gaga­wing programa sa network dahil pinalitan na siya ng mga prodyuser.

Nagtatakang tanong ni SOS na hindi napag-iiwanan sa mga nagaganap sa showbiz, “‘Yun po ang sabi ni Kris sa IG post niya. Kaya raw hindi na tuloy ang show niya sa TV5, e, dahil pinalitan na siya ng producer ng isang mas viable kesa sa kanya.

“‘Yun daw ang truth from her. Ang tanong lang po namin, e, sino naman kaya ang mas viable na ipinampalit sa kanya? May mas viable pa ba kay Kris when it comes to TV hosting?

“Bukod sa talent niya, e, marami pa siyang kilala at connection sa endorsements. Kris Aquino is Kris Aquino po. A bratinella is always a bratinella.

“‘Yun na po talaga ang core niya. Ang naturalesa niya. Sayang lang talaga, makababalik na sana siya after almost four years of absence, pero nagka-falling out pa sila ng producer niya.

“A great talent without the right attitude is useless,” konklusyon ni SOS.

Maraming salamat sa opinyon.

Pero sa impormasyong nakarating sa amin ay ibang producer na ang maghahatid sa publiko ng magazine show ni Korina Sanchez sa TV5. Ang malakas na ugong ay si Congressman Albee Benitez ang mamumuhunan sa bagong show ni Ate Koring na iba-blocktime sa TV5.

So, magkaibang producers ang tinutukoy sa kuwento, pero napakaraming nanghihinayang sa dapat sana’y pagbabalik-TV na ng Queen Of All Media.

Napakatagal siyang hinintay ng kanyang mga tagahanga, ng mga kababayan nating naaaliw sa sarili niyang atake sa pagho-host, pero nabulilyaso pa.

May nagkomento sa IG account ni Kris na nasa kanya ang problema at wala sa TV5, sinagot naman ‘yun ni Kris na oo nga, nasa kanya ang problema, “Hindi kasi nila ako bet.”

Meron pang ganu’ng komento? Hindi raw siya bet ng network? Ano naman ang kinalaman ng mga tagapamuno ng TV5 sa hindi pagkatuloy ng kanyang programa samantalang hindi naman ‘yun station produced?

Ang mismong prodyuser niya ang nakasamaan niya ng loob kaya umurong na, hindi naman ang mga ehekutibo ng network, kaya bakit meron pa siyang kataklesang komentong hindi kasi siya bet ng TV5? 

Show comments