Willie sinalba ang buntis na tinanggalan ng bubong ang inuupahan

Willie Revilliame
STAR/ File

Naging abala kami nu’ng Lunes nang hapon sa pagsagot sa mga tawag at text ng mga kaibigan at katrabaho dahil kay Willie Revillame.

Inaasahan na naming mangyayari ‘yun, nagsisimula pa lang si Willie sa pagtalakay tungkol sa nagdadalantaong kababayan natin na nang hindi makapagbayad ng renta sa tinitirhan nila ay tinanggalan ng bubong ng nagpapaupa ay sigurado na kami, maraming pusong susuntukin ang bahaging ‘yun ng Tutok To Win.

Napakasakit naman talaga ng pangyayaring ‘yun. Dalawang buwang hindi nakapagbayad ang pamilyang umuupa dahil sa lockdown. Nang hindi sila makatupad ay tinanggalan ng bubong ng may-ari ang kanilang tirahan.

Umulan pa naman, kaya nabasa ang kanilang mga kagamitan, walang nagawa ang umuupa kundi ang mapahagulgol na lang.

May anunsiyo na si PRRD nakailangang lawakan ng mga nagpapaupa ngayon ang kanilang kunsiderasyon dahil sa COVID-19. Bawal magpaalis ng mga umuupa, bawal ding magputol ng tubig at kur­yente, dahil sa laganap na kahirapan.

Napanood ni Willie ang istorya sa 24 Oras, halos mapaluha siya sa sinapit ng nagdadalantaong kababayan natin, kaya nu’ng Lunes ay tinawagan niya ito.

Una ay ang nag-upload muna ng video ang kanyang kinausap, isang kapitbahay na pinaalis na rin ng may-ari dahil hindi nakapagbabayad ng upa, hanggang sa ipasa na nito ang telepono sa nagdadalantaong hindi pa man ay napapaiyak na.

“Ngayon lang naman po kami nahuli sa pagbabayad dahil wala ngang trabaho ang mister ko dahil sa lockdown. Ayaw po ka­ming pakinggan sa pakiusap namin, minura-mura pa nga po kami ng may-ari,” kuwento nito kay Willie.

Inawat agad ni Willie ang matin­ding sama ng loob ng babae, “Huwag ka nang umiyak, huwag ka nang malungkot. Intindihin na lang natin ang may-ari, may mga pangangailangan din siguro siya,” payo ng TV host.

Sinagot ni Willie ang anim na buwang upa ng pamilya, may panggastos pa silang karagdagang sampung libo, saka mga produktong ipinamamahagi ng Wowowin sa mga nangangailangang kababayan natin.

Napahagulgol ang nasa kabilang linya, hindi nito alam kung paano pasasalamatan si WIllie sa malaking tulong sa kanila, pero napakaganda ng linyang binitiwan ni Willie.

“Huwag ka nang malungkot. Alam mo ba na may dahilan ang pagkakatanggal ng bubong ng tinitirhan n’yo? ‘Yun ang dahilan para pumasok ang biyaya sa buhay n’yo ngayon.

Ay, dahil du’n ay hindi na napahinga ang aming telepono, sunud-sunod ang tawag at text na tinanggap namin na halos lahat ay talaga namang emosyonal.

Sabi ng isang kausap namin, “Umiiyak kami ngayon ng mommy ko. Kasi, nu’ng bata pa ako, may gumawa rin ng ganyan sa amin. Pinalalayas din kami ng kasera namin dahil hindi kami makapagbayad ng renta.

“Grabe ‘yun! Hanggang ngayon, natatandaan ko pa ang eksena. Ang lakas-lakas ng boses ng owner ng apartment, pinaaalis na kami, balewala ang pakiusap ng mommy ko!

“Kanina, habang kausap ni Willie ang buntis na tinanggalan ng bubong ng may-ari, e, nagkatinginan kami ng mommy ko. Napaluha siya, naalala niya ang nangyari sa amin nu’n.

“Nagsikap kami sa buhay, nakapagtapos kaming magkakapatid, kami na ang nagpapaupa ng apartment ngayon. Mahirap manghusga, hindi naman natin alam kung ano ang hatid ng bukas,” komento ng aming kaibigan.

Isa na namang hindi malilimutang episode ng Wowowin ang naganap nu’ng nakaraang Lunes. Hindi galing sa mga sponsor ni Willie ang tulong na ibinigay niya sa pamilyang tinanggalan ng bubong.

Sarili niyang pera ‘yun, galing mismo sa kanyang bulsa, dahil sa sinapit ng pamilya. Pagkatapos niyang mapanood ang 24 Oras ay tinawagan niya agad ang isa niyang staff, ipinahanap niya ang pamilyang hindi alam kung saang kamay ng Diyos nila hahanapin ang pambayad sa kanilang inuupahan, ‘yun ang dikta ng kanyang puso.

Ano nga ang sabi? “Always listen to your heart because even though it’s on your left side, it’s always right.”

Show comments