Mga pangyayari sa Mahal na Araw, iniba ng salot
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 9, 2020 - 12:00am

Sa unang pagkakataon, mula nang ipagpatuloy namin ang nakamatayang pagpapalaro ng mga magulang namin sa aming nayon tuwing dumarating ang Mahal Na Araw, ay ngayon lang kami hindi nakauwi.

Ilang dekada na naming ginagampanan ang taunang pagpalaro sa nayon ng Visoria, malayo pa ang Mahal Na Araw ay nagpapagawa na ng mga tropeo si Japs Gersin sa Raon, pambigay sa mga mananalong koponan sa basketball, volleyball at softball.

Masaya sa aming baryo kapag ganitong panahon. Nag-uuwian ang mga anak ng Visoria na nagtatrabaho sa Maynila, ang ibang mga nasa ibang bansa rin ay palaging kinasasabikan ang pagbabalik sa aming nayon, pinaghahandaan nila ang pag-uwi sa Visoria.

Maraming pondahan sa plaza, pagkatapos magtrabaho sa bukid ay nagpupuntahan na du’n ang mga kababaryo namin para manood ng mga palaro, solido ang pagmamahalan ng aming mga kanayon.

Nu’ng isang araw lang ay kausap namin ang Barangay Chairman ng aming baryo, pinsang-buo namin si Kap Jojo Veajedor, napakalungkot ng kanyang boses sa buong pag-uusap namin.

Mahigpit ang disiplina du’n, hindi na muna itutuloy ang mga palaro, bawal na bawal ngayon ang mga aktibidad nang maramihang magkakasama sa isang lugar lang.

Sinusunod din nila ang social distancing, malinis din ang mga kalye dahil bawal lumabas ng bahay ang mga tagaroon, napakahirap nga namang yakapin ang senaryong nagaganap ngayon.

Panay-panay rin ang pagtatanong-pangungumusta ng mga kaklase namin sa elementarya at high school, kapag Mahal Na Araw lang din kasi kami nagkikita-kita, ang isang panahong ginto para sa aming magkakaibigan ay ipinagdamot pa ngayon.

Pati ang padating na fiesta sa aming nayon na ilang dekada na naming ipinagdiriwang ay mukhang madadamay na rin sa lockdown. Ang ekstensiyon na ibinigay ngayon ay mukhang mapapahaba pa hanggang sa susunod na buwan.

Ang dami-dami talagang naapektuhan ng pangdaigdigang salot na ito. Estado sa buhay, bulsa ng mamamayan, nakapaninibago ang panahon pero wala naman tayong magawa.

Retired nurses triple ingat sa new jersey

May retirado kaming pinsang nurse na ilang dekada nang naninirahan sa New Jersey. Tripleng ingat ang ginagawa ng kanilang pamilya dahil East Coast ang may pinakamalaking bilang ngayon ng mga namamatay sa COVID-19.

Kapitbahay lang nila ang New York, ang tinaguriang the city that doesn’t sleep pero napakatahimik ngayon, grabe ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga apektado ng virus sa nasabing bansa.

Palagi naming ipinagdarasal ang kanilang pamilya, pati ang mga pamangkin naming nurse sa San Francisco na sina Rene at Roma de Leon, malapit sa disgrasya ang kanilang buhay dahil sa kanilang trabaho.

Humupa na sana ang corona virus hindi lang dito sa atin kundi sa iba-ibang bansa man. Bagsak na ang ekonomiya ng maraming bansang pinamumugaran ng mikrobyo, hindi na malaman ng mga tagapamuno kung ano ang kanilang gagawin, nagdarasal na lang din sila na sa lalong madaling panahon ay maglaho na ang epidemya.

Pagbalik sa normal, wala pang alam kung kailan

Bilang na bilang na ng mga regular na tumututok sa Take It, Per Minute... Me Ganu’n ang mga episodes na hindi namin pinagsasaluhan.

Mula sa Hainan, China ay nakatanggap kami ng mensahe mula kina Jojo at Lesly Grace Advincula, ang kanilang sabi, “Wala pa rin po kaming trabaho dito, mahigpit pa rin. Para mawala ang inip namin, binabalik-balikan namin ang mga episodes ng TIPMMG, napapalitan ng saya ang sobrang inip namin dito.

“Ilang beses na naming pinanonood ang mga episodes, pero kapag nambubuking si Manay Lolit ng mga blind items, humahalakhak pa rin kami!

“Hay, tanging gamot namin sa kalungkutan dito, e, nawala pa, bumalik na po kayo! Dobleng ingat po kayong mag-anak, mahal po namin kayo!” mensahe nina Jojo at Lesly.

Kami man nina Manay Lolit at Mr. Fu ay hanggang tawagan na lang at pagte-text ngayon, nakakulong kami sa bahay, walang aksiyon.

Limang linggo na ring wala kami sa Cristy Ferminute, puro news lang ang laman ng aming istasyon, kaya nagwawarla na ang aming mga regulars kung kailan uli kami magkakasama-sama.

Lahat talaga ay binago ng salot. Kultura, ang mga nakagawian na nating gawin, kung kailan tayo babalik sa normalidad ay nakasalalay sa pagsugpo sa mikrobyong nagpapahirap sa buong mundo ngayon.

CRISTY FERMIN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with