^

PSN Showbiz

Kabaliktaran sa kumalat na kuwento aktor na tumatak ang panggagamit, inubos ng ex ang mga kinita sa TV rights ng kanyang pelikula

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Negang-nega ang naging dating ng isang pamosong male personality nang magkahiwalay sila ng isang yayamaning babaeng personalidad. Ang tumatak sa pagkatao ng lala­king personalidad ay isa siyang user.

Ipinaglihi raw sa manggang hinog ang male personality, manggagamit daw siya, dahil pagkatapos niyang perahan ang female personality ay iniwan niya na lang nang basta-basta.

Isang source na malapit sa male personality ang hindi na nakatiis, ipinagtanggol nito ang kanyang kaibigan, hindi raw kailanman pine­rahan ng male personality ang nakarelasyon niyang aktres.

Unang komento ng source na malapit sa male personality, “Nu’ng maging magkarelasyon sila, e, mabentang-mabenta pa ang guy, marami pa siyang ginagawang movies, milyun-milyon ang talent fee niya.

“Paano niya peperahan ang babae, e, mapera pa siya nu’n? Sunod ang layaw ng girl sa kanya, lahat ng kapritso nu’ng babae, walang problema sa kanya, bigay lang siya nang bigay!

“Kaya nga nu’ng magkahiwalay sila, e, tahimik ang girl, di ba? Wala siyang sinabing kahit ano tungkol sa nakahiwalay niyang male personality, alam niya kasi ang totoo!” madiing pahayag ng impormante.

‘Yun din ang pagkakataon, ayon sa aming source, na ibinenta ng male personality ang TV rights ng kanyang mga ginawang pelikula. Ang magpapatotoo nu’n ay ang network na bumili ng mga proyektong ginawa ng lalaking personalidad.

“Ilampung milyon ang pinagbentahan ng mga TV rights ng movie niya? Ang laki-laki! Mauubos ba naman nila nang ilang taon ang amount na ‘yun?

“’Yun ang time na biyahe sila nang biyahe, mahilig mamasyal sa iba-ibang bansa ang girl, di ba? Ginagawa lang niyang Quiapo ang Amerika, ang London, hilig niya talagang bumiyahe nang bumiyahe hanggang ngayon.

“Maling sabihin na pinerahan lang niya ang girl, dahil ang totoo, e, naubos siya ng babaeng ‘yun! Baligtad ang mga kuwentong lumabas, hindi totoong ginamit lang niya ang girl.

“Ang totoo, e, para siyang dinapuan ng kamalasan pagkatapos nilang maghiwalay. Nu’n na tumumal ang mga projects nu’ng male personality.

“Bihira na siyang gumawa ng pelikula, naging maalat ang career niya, ‘yun ang totoo! Alam ng girl kung pine­rahan lang siya nu’ng guy, puwede niya namang ikuwento ‘yun kung gusto niya!

“Pero wala kasi siyang masasabi, nagbuhay-reyna siya sa poder nu’ng male personality hanggang nu’ng magkaanak na sila! Hindi siya ginamit lang ng male personality, ‘yung lalaki ang naubos nu’ng maging magkarelasyon sila!

“Jushko naman!” napakadiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alden nakapila ang mga biyaya

Tatlong tulog na lang at magsasarado na ang kurtina ng seryeng The Gift ni Alden Richards! Matatapos na ang kuwento ni Sep, ang batang iniluwal ng tunay niyang ina, pero dinugtu­ngan naman ng kanyang ina-inahan ang buhay niya.

Mula nang ipanganak ang ser­yeng ito ay hindi kami bumitiw. Hindi lang dahil gusto namin ang Pambansang Bae, lalong hindi lang dahil nagagalingan kami sa kanyang pag-arte at naguguwapuhan kami kay Alden, may iba pang mga dahilan kung bakit namin binabaran ang seryeng ito nang ilang buwan.

Mapuso ang serye, idinidiin nito ang ideya na dapat pasalamatan ng anak ang mga taong nagpalaki sa kanya, kadugo man niya o hindi.

Sa tatlong gabing natitira pa ay malalaman na ni Sep na si Nadia ang tunay niyang ina, masasagot na ang kanyang tanong kung bakit sobra siyang pinagmamalasakitan nito, samantalang ang kanyang kalaban ay ang mismong pamilya ni Jean Garcia.

Samantala, patuloy ang pagdating ng magagandang oportunidad kay Alden, sa isang TVC ay silang dalawa ni Bea Alonzo ang kinuhang endorser ng isang produkto.

May isa pang endorsement na sila naman ng kontrobersiyal na si Nadine Lustre ang magkasama, may mga nakalinya pang endorsements na gagawin si Alden dahil isa siya sa pinakamabentang aktor ng kanyang panahon, walang makakukuwestiyon sa kanyang popularidad ngayon.

Sabi nga ni prop, “Kapag maganda ang puso ng isang tao, talagang lalapitan siya ng magagandang opportunity, buhos kung dumating ang suwerte, hindi paisa-isa lang.”

Sa kanyang estado ngayon bilang sikat na personalidad ay hindi kinakikitaan ng kayabangan si Alden Richards. May mga hindi masaya sa kanyang tagumpay pero natural lang ang ganu’n dahil hindi niya naman makukuha ang kalooban ng lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon.

vuukle comment

ALDEN RICHARDS!

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with