Batang aktor ginagawang props ang anak para manghingi ng limos sa mga kaibigang artista!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 22, 2020 - 12:00am

Hindi na naging kagulat-gulat para sa mga dating kasamahan ng isang kilalang male personality ang mga isyung kinasasangkutan niya ngayon. Sanay na sila.

Alam kasi nila ang temperamento ng male personality, mabilis siyang magalit, sa isang maliit na bagay lang ay maaari na siyang makalimot sa kanyang sarili.

Kuwento ng isang source, “Nakapanghihinayang siya. Napakaganda ng plano sa kanya nu’n ng mga nag-aalaga sa kanya. Bibihira kasi ang may ta­lent na tulad ng sa kanya, very pure, natural na natural.

“Matang-mata pa nga lang niya, e, may invitation na sa pag-iyak ng nanonood sa kanya. Magaling siya! At hindi siya produkto lang ng workshop, kanyang-kanya ang atake niya.

“Pero nu’n pa man, e, napapansin na ng mga tumutulong sa kanya na may kakaiba siyang attitude. Kapag may naisip siya, e, hindi na siya nagdadalawang-isip, gagawin niya ‘yun kahit may mga nagbabawal pa sa kanya.

“Sobrang batambata pa siya nu’n, ha? Bagets na bagets pa siya, pero nakita na agad ‘yun sa kanya ng mga taong nagmamalasakit sa kanya,” unang kuwento ng aming impormante.

Maaga siyang pumasok sa isang responsibilidad nang walang paghahanda. Nagkaanak siya sa napakaagang edad.

Balik-kuwento ng aming source, “Kumakatok siya sa iba-ibang bahay na dala-dala ang anak niya. Nakakaawa ang bata, walang kaalam-alam na ginagawa siyang props ng tatay niya para makapanghingi ng tulong.

“Actually, literal na pamamalimos na ang ginagawa niya, wala lang siya sa kalye. Pero ganu’n na ganu’n na rin ang ginagawa niya, e!

“Pupunta siya sa bahay ng mga kaibigan niya, ng mga taga-showbiz na tumutulong sa kanya, dala-dala niya ang inosenteng bata. May mga nagbibigay naman sa kanya, pero ang iba, e, talagang tinitiis na huwag siyang bigyan para matuto siya sa buhay.

“Hanggang hindi niya binabago ang attitude niya, e, walang mangyayari sa buhay niya. Wala siyang disiplina! Kung ano ang maisipan niya, gagawin niya ‘yun kahit pa buong mundo na ang kumokontra sa kanya!

“Hindi sana niya sinasayang ang tulong na ibinibigay sa kanya ng mga taong ni hindi nga niya kaano-ano! Pahalagahan niya ‘yun dahil hindi naman obligasyon ng mga taong ‘yun ang tulungan siya!

“Bibigyan siya ng work, kapag taping o shooting na, e, bigla naman siyang nawawala! Talagang may ugali siyang mahirap ispilengin!

“Huwag niyang gamiting emotional blackmail sa pag-unlad niya ang mga taong hindi niya nakasama sa paglaki niya! Mag-move-on siya! Huwag siyang nabubuhay sa kahapon!” napapailing na lang na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Willie mabilis gumawa ng solusyon

Ang pagiging palaging positibo ni Willie Revillame ang nagpa­panalo sa kanya sa lahat ng pag­hamon at problemang nakakaengkuwentro niya.

Mula sa mga negatibong pangyayari ay naghahanap siya ng pambalanse. Nagkaroon ng problema sa kanyang show, tinatanggap niya ‘yun, kasabay ng leksiyon mula sa kanilang pagkakamali.

Ganu’n naman talaga dapat ang ating pinaiiral. Problema. Solusyon. Leksiyon.

Marami siyang nabiling propyedad sa Tagaytay, meron siyang mansiyon sa Iruhin, nandu’n din ang mga ipinatayo niyang villa na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

Ang kanyang katwiran, “Ganu’n naman talaga, lahat ng ginagawa natin sa buhay, e, isang sugal. Pumutok ang Taal, naapektuhan ang mga nabili kong ari-arian, natural lang ‘yun dahil wala namang may gustong magkaroon ng kalamidad.

“Pero alangan namang ang mga properties ko lang ang hindi tinamaan at halos buong lugar, e, naghihirap ngayon dahil sa pagputok ng bulkan!

“Mula sa pagputok, kailangang gumawa tayo ng paraan para makabangon agad. Tanggap ko ang nangyari, walang may gusto sa pagsabog ng bulkan,” sinserong pahayag ng aktor-TV host.

Mula sa Lunes hanggang Sabado na siya mapapanood ngayon sa Wowowin, sa February 15 na mapapanood ang unang sulatada ng Wowowin Sabado, alas siyete nang gabi.

Sa kanyang kaarawan sa Januray 27 ay hindi siya ang umaasa ng anumang regalo, siya ang magbibigay ng mga biyaya sa mga kababayan nating naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal, live na live na mapapanood ‘yun sa Wowowin sa darating na Lunes nang hapon.

Panghuli niyang sabi, “Babangon ang Batangas, makababawi ang mga naapektuhan ng bulkan, mga Pinoy tayo! Habang may mabubu­ting puso na tumutulong sa mga nangangailangan nating kababayan, walang makapagpapabagsak sa atin!”

WILLIE REVILLAME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with