Pinoy boy group na SB19 pasok sa Billboard 'Next Big Sound' chart

Ayon sa Billboard, repleksyon ang listahan ng "mga artists na pinakamabilis umangat sa nagdaang linggo, sa lahat ng social music sites, na inaasahang makakatamasa ng pagsikat sa hinaharap, na sinusukat ng Next Big Sound."
Mula sa opisyal na Instagram account ng SB19

MANILA, Philippines — Nagawang pasukin ng Pinoy pop group na SB19 ang ang isa sa mga pinakamataas na pwesto sa Billboard chart na nagtatala ng artists dahil sa bilis ng kanilang pagsikat.

Para sa linggong ito, nasungkit ng Filipino group ang ikaanim na pwesto sa "Next Big Sound" chart ng Billboard.

Ayon sa Billboard, repleksyon ang listahan ng "mga artists na pinakamabilis umangat sa nagdaang linggo, sa lahat ng social music sites, na inaasahang makakatamasa ng pagsikat sa hinaharap, na sinusukat ng Next Big Sound."

Sinundan ng SB19 ang Korean pop group na A.C.E., na nasa ikalimang pwesto, habang numero uno naman sa linggong ito ang grupong BIA.

Ang grupo, na kinabibilangan nina Sejun, Stell, Ken, Josh at Justin, ay sinanay pa sa bansang South Korea, at mina-manage ng isang Korean entertainment company.

Kasalukuyang #5 trending sa Twitter ang hashtag na #SB19onBillboardNBS habang sinusulat ang balitang ito.

Pinasalamatan naman ng SB19 ang lahat ng kanilang supporters sa bagong tagumpay.

"A’TINs! No words can describe how thankful we are for this great news. Thank you so much for supporting our dreams and believing in us. Everything seems possible with you," sabi nila sa kanilang Instagram account.

 

 

Nangako naman silang lalong pag-iigihan ang kanilang pagsusumikap at ikinatuwa ang lahat ng nagbahagi ng kanilang kwento sa pamamagitan ng mga liham.

"It warms our hearts to know that you find comfort, happiness and motivation through our music. Let’s GO UP together!" sabi pa nila.

Matatandaang binulabog ng grupo ang social media nitong taon sa biglaang pagsikat ng awitin nilang "Go Up" noong Setyembre.

 

Show comments