Maine binigyan ng pahinga sa paglalagare!

Binigyan muna ng dayoff si Maine Mendoza nung nakaraang Lunes dahil rumatsada siya ng promo ng Isa Pa With Feelings na magsu-showing na sa October 16.

Naawa na nga raw si Rams David dahil bukod sa mga TV guesting at mall shows na pinupuntahan niya, tinatapos pa niya ang shooting ng Metro Manila Film Festival movie nila ni Vic Sotto.

Kaya nagkakasakit na raw ito. Kaya kuwento sa amin ni Rams kahapon sa launching ni Marian Rivera as Walter Mart endorser, inilibre na raw muna nila ang Lunes para ipahinga ni Maine.

Bukod sa maganda ang project, natutuwa kasi si Maine na kasama niya sa pagpu-promote ang leading man niyang si Carlo Aquino.

Sa matagal-tagal ding nagkasama sila sa shooting ng naturang pelikula, naging close sila ni Carlo dahil nakilala na niya ito na naging crush pa raw niya nung napanood niya ang Meet Me at St. Gallen.

“Hindi ko ini-expect na ibang klaseng Carlo Aquino ang makikita ko. Naging crush ko siya ng slight, pero sana mabigyan ako ng chance na makapareha ko siya. So, eto na yun.

“Hindi ko inaakala na mangyayari yun. Mabuti at nabigyan ng pagkakataon,” pakli ni Maine.

Ngayong pinu-promote na niya ang pelikula dahil malapit na ang showing, hindi maiwasang ma-pressure siya dahil ibang-iba raw ang pelikulang ito kung ikumpara sa mga nagawa niyang pelikula.

Mabuti at si Carlo raw ang ka-partner niya dahil malaki raw ang tulong nito kaya naitawid niya ang role na kailangan niyang gampanan.

“Napi-pressure ako kung madi-deliver ko ba ang kailangan for Mara and…kasi ito yung pinakaseryosong pelikulang nagawa ko.

“Hindi kasi siya romcom. Meron lang mga light scenes, pero may bigat pa rin talaga.

“First project ko to na ganun kabigat. Emotionally demanding para sa akin since comedy yung forte.

“Feeling ko na-achieve naman with the help of Carlo. Sobrang giving niyang aktor. Kaya sobrang nagpapasalamat ako sa kanya,” saad pa ng phenomenal star.

Nilinaw na rin sa amin ni Rams na ilang programa lang sa ABS-CBN  in-allow si Maine na mag-promote.

Akala kasi namin, magpu-promote siya sa ASAP, hindi pala.

Sa Linggo raw ay inaayos na nilang makapag-promote ito sa Sunday Pinasaya.

Marian walang nega sa tambalan nina Dingdong at Jennylyn

Sa darating na Linggo ay balik Sunday Pinasaya na rin pala si Ma­rian Rivera.

Iyan ang isa sa itsinika niya sa amin ng Kapuso Primetime Queen sa launching sa bagong endorsement niyang Walter Mart kahapon ng hapon.

Ang bongga nga ni Marian dahil ilang produkto na nakikita sa isang grocery ang ini-endorse niya, ngayon buong supermarket na, at tuwang-tuwa siya dahil first time na kumuha ng Walter Mart ng endorser, siya pa ang napili.

“We admire all her advocacies,” sabi ng may-ari na si Ms. Joanne Co kung bakit daw si Marian ang kinuha nila.

“Nakakatuwa kasi ang bait talaga nila. Bago pa kami nagpirmahan, na-meet ko na sila at gusto nga raw nila akong makilala.

“Nakakataba ng puso na nagkaroon sila ng first endorser tapos ako ang pinili nila. So, bilang nanay napakahalaga sa akin ang grocery,” pahayag ni Marian.

Doon na rin namin hiningan ng reaksyon si Marian sa pagkapili kay Jennylyn Mercado bilang leading lady ni Dingdong Dantes sa Pinoy adaptation ng Descendants of the Sun.

“Bagay naman si Jen dun eh. Saka ang dami nang nagawa ni Jen na mga Kore-Korean eh,” pakli ni Marian.

Nilinaw din ng Kapuso actress na walang fans nila ni Dingdong na nagsasabi ng nega sa pagkapili kay Jennylyn.

May iba kasing gusto talaga nila si Marian ang maka-partner. Kaya may mga namba-bash na di raw nila nagustuhan si Jennylyn.

Pero naniniwala si Marian na hindi raw iyun mga Dongyanatic.

“Hindi ako naniniwala na sinasabi yan ng mga maka-DongYan. Kasi ang maka-DongYan hindi makikitid ang utak.

“Kung sino ang partner namin, alam namin na 100 percent ang suporta nila,” paglilinaw ni Marian. 

Migo ‘di pa rin puwedeng mag-drive!

Ngayong araw na magsu-showing ang launching movie ni Kyline Alcantara na Black Lipstick.

Nagkaroon ng premiere night sa Trinoma kagabi at solid ang suporta ng fans niya.

Sana nga ay tuluy-tuloy ang suporta para mapatunayan naman ni Kyline na kaya na niyang magdala ng isang pelikula.

Kasama ni Kyline dito sina Manolo Pedrosa at Migo Adecer na dun namin nalamang hindi pa pala siya puwedeng mag-drive.

Dahil sa insidenteng nangyari sa kanya sa MMDA, after two years pa raw siya mabibigyan uli ng driver’s license.

Mabuti na rin daw dahil ayaw na raw muna niyang mag-drive dito dahil nai-stress lang daw siya sa traffic.

Show comments