Aktor naalarma na sa laman ng bulsa!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 21, 2019 - 12:00am

Kauna-unawa ang pagtutok ng mga artista sa kanilang lovelife. Kailangan nila ng inspirasyon, ‘yun ang bitaminang hindi nabibili sa anumang botika na nagpapaandar ng kanilang maghapon, pero kailangan din nilang nirerendahan ang kanilang buhay-pag-ibig.

May mga personalidad na sa sobrang pagbibigay ng atensiyon sa kanilang lovelife ay napababayaan na ang kanilang career. Mas nagiging prayoridad na nila ang pakikipagrelasyon na malaki ang nagiging epekto sa disiplina nila sa pagtatrabaho.

May mga artista pa ngang lantaran nang tinatalikuran ang kanilang career para magpakaligaya, pero pagkatapos lang nang ilang taon, kumakatok na uli sila sa pintuan ng showbiz para mu­ling balikan ang iniwanan nilang trabaho nang dahil sa pag-ibig.

Kuwento ng aming source, “Ganyang-ganyan ang nangyari kay ____(pangalan ng isang sikat na male personality). Mas binigyan niya ng time ang pakikipagrelasyon. Maraming nagulat sa naging decision niya, pero puso kasi ‘yun, e! Walang makakakontra sa pag-ibig.

“Napakarami niyang pinalampas na opportunities, ang dami-daming projects na siya ang nasa utak ng mga producers nu’ng pinaplano pa lang dahil magaling siyang aktor, pero nakawalang lahat ‘yun sa kanya.

“Kung walang nagawa ang mismong pamilya niya sa matindi niyang desisyong talikuran ang trabaho niya, e, may magagawa ba ang mga taong nagpapatakbo lang naman ng career niya?

“Natural, walang nanghimasok sa decision niya, ‘yun ang gusto niya, e! Nabuburyong na raw kasi siya sa napaka-routinary niyang trabaho. Gusto niya namang makapamuhay nang normal. Ibinigay sa kanya ‘yun ng mga taong nag-aalala at nanghihinayang sa magagandang pagkakataong pinalampas niya,” unang sultada ng aming impormante.

Pero hindi nga made in heaven ang bawat relasyon, bibihira lang ang umaabot nang hanggang forever, ngayon ay nararamdaman na ng male personality na kailangan na niyang balikan ang trabahong iniwanan niya nang dahil sa pag-ibig.

“Una, may pagkasawain ang taong ‘yun! Mainipin siya! E, araw-araw silang magkasama ng girl, halos magkapalitan na sila ng mukha, masarap lang ‘yun sa una pero nakauumay na rin sa bandang huli.

“Gusto na niyang bumalik, aarte na uli siya, kailangan na niyang magtrabaho dahil numinipis na rin ang laman ng bulsa niya,” wala nang anumang clue na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kapalaran ni Thurman Kay Pacquiao, ngayon na

Ngayong tanghali na ang pakikipagtuos ng Pambansang Kamao na si Senador Manny Pacquiao kontra kay Keith Thurman. Pinaghandaan nang husto ni Pacman ang labang ito, walang katalu-talo sa kanyang record bilang boksingero si Thurman, kaya umaasa ang ating mga kababayan na ngayon pa lang marurumihan ang pangalan nito sa lona.

May ilang kababayan tayo na hindi lang humihiling, nag­darasal pa ang mga ito para matalo si Pacman, nakalulungkot mabasa ang mga ganu’ng komento. Mga Pilipino dapat na kadugo at kalahi ni Pacman ang unang-unang kailangang nagtataas ng kanyang pangalan.

Ilang beses nang isinulat ng Pambansang Kamao ang pangalan ng ating bayan sa mapa ng mundo, du’n pa lang dapat na tayong maging proud bilang mga kababayan niya, sa halip na hilingin pa nating matalo siya sa pakikipagsukatan ng lakas kay Thurman.

Manalo-matalo, dapat ay nagkakaisa tayo bilang mga Pilipino, hindi ibang lahi ang maaasahan nating magtaas sa bandila ng ating bayan.

Daddy’s Home ibang klase ang galing

May isang grupong nagpamangha sa amin, ngayon pa lang namin narinig nang harap-harapan ang galing ng bandang Daddy’s Home, ka-batch nila si KZ Tandingan sa X-Factor Philippines.

Grabe ang kanilang bosesan, may ins­tru­mento o acapella man ay ibang klase ang tunog ng Daddy’s Home, sila rin ang gumawa at nagpasikat ng piyesang Aking Anak na handog nila para sa mga kababayan nating OFW.

Nang maging guest namin sila sa Cristy Ferminute ay umani sila ng tagumpay, may suntok sa puso ang kanilang boses na parang Boys 2 Men at Stylistics ang katunog.

Ang Daddy’s Home ay binubuo nina Allan “Daddy A” Mitchell Silonga, Herbert “Ebet” Silonga, Jerome “Jey” Icatar, Doc Eric Dacanay at Layzie FU Flores.

Sabi nga ni Tita Cherry Bayle, ang aming boss sa CFM, “Ibang klase ang tunog nila, mahal ang kanilang boses, kumakanta silang lahat at hindi nag-aagawan ng moment.”

Sabi naman ng aming anak-anakang si Tito Manny Garcia na isa ring singer, “Kapag magaling ang grupo, e, magaling talaga. Puro pamato silang lahat, walang panapon.”

KEITH THURMAN MANNY PACQUIAO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with