Aktor kumpirmadong manggagamit, walang utang na loob!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 7, 2019 - 12:00am

Sinasabi na nga ba. Parang mga bulateng aahon mula sa ilalim ng lupa kapag tag-ulan ang mga taong pinerhuwisyo ng isang kilalang male personality na pera-pera lang ang pinaiiral sa pakikipagkaibigan.

Kaliwa’t kanang pagkukumpisal na ang maririnig ngayon, sari-saring kuwento na ng kanyang pagiging manggagamit ang paksa sa maraming umpukan, kapag pera na kuno ang pinag-uusapan ay nakakarinig ang magkabilang tenga ng kilalang male personality.

Kuwento ng aming source, “May isang negos­yanteng kung tawagan ng male personality na ‘yun nu’ng bagsak ang career niya, e, walang pinipiling oras.

“Umaga, tanghali, hatinggabi, tawag siya nang tawag du’n sa businessman. Marami siyang dahilan, kesyo puputulan na sila ng ilaw kinabukasan, kesyo hihilahin na ang hulugan niyang sasakyan dahil ilang buwan na siyang hindi nakapagbabayad.

“Natural, dahil sa husay niyang magdrama, bigay naman nang bigay ng ayuda ang negosyante sa kanya. Pero nu’ng magkaroon na ng bagong raket ang male personality, kahit minsan lang ba, e, naalala niya ang negosyanteng napakalaki ng naitulong sa kanya? Waley!

“May isa pa. Isang tita-titahan niya ang madalas hingan ng tulong ng male personality. Hindi siya nagdadalawang-salita du’n sa milyonaryang babae, agaran siyang nililipatan ng datung sa bank account niya.

“Pero kahit minsan lang ba, e, naalala niyang tawagan para kumustahin ang mayamang ginawa niyang palabigasan nu’ng walang-wala pa siya. Waley!

“Sabi nga nu’ng lady millionaire, ‘Maigsi ang memorya niya, madali siyang makalimot sa mga taong inaabala niya nu’n. Malakas na kasi ang kita niya ngayon dahil nakadikit siya sa isang taong may power!’

“Na true naman, milyun-milyon ang kinikita niya ngayon sa kung anu-anong transaction, makapal na makapal na ang laman ng wallet niya ngayon, kaya bakit pa nga naman niya aalalahanin ang mga taong nakatulong nang todo sa kanya nu’ng walang-wala siya?

“Nagpakilala lang ang male personality na ‘yun sa klase ng pagkataong meron siya. Use me in a sentence na ang tawag sa kanya ngayon dahil ipinaglihi siya sa pinakahinog na mangga, as in, manggagamit siya!” inis na kuwento ng aming impormante.

May hirit pa ang aming source, “Naku, ano kaya ang masasabi ngayon ng isang girl na kaya lang niya kinarelasyon, e, dahil madatung at may kapangyarihan?”

Ubos!

Jessica binagayan ng pagpayat,  hindi sinasayang ang linggo

Tuwing Linggo nang gabi, kahit meron pa ka­ming pinagkakaabalahang mahalagang trabaho, ay hindi namin kinalilimutang tutukan ang Kapuso Mo, Jessica Soho.

Nagiging makabuluhan kasi ang aming pano­nood, para kaming isinasama sa pagbiyahe ng programa sa iba-ibang lugar dito at sa ibang bansa man, nasusulit ang pambayad namin sa kuryente sa mahahalagang impormsyong isinusubo ni Jessica Soho sa kanyang manonood.

Pinaiiyak kami ng KMJS kapag may nagkahiwalay na magulang at anak nang maraming taon na pinagtatagpo. Pinahahanga kami ng KMJS sa mga talentadong Pinoy na hindi nasisinagan ng mga ilaw at camera.

Pati ang mga kuwento nu’ng aming kabataan tungkol sa mga maligno, duwende, kapre at tiyanak ay nginingitan namin. Nagiging bata uli ang aming pakiramdam dahil sa pagpapaalala ng KMJS sa mga kapaniwalaan ng ating kultura.

Sa kabuuan ay hindi sinasayang ni Jessica Soho ang aming panahon, ginagawa niyang kapaki-pakinabang ang mahalagang oras na itinututok namin sa KMJS, may dahilan at katwiran ang pagpaparangal sa kanya ng maraming award-giving bodies sa ating bayan.

Napansin namin na malaki na ang ibinagsak ng timbang ng TV host. Bagay na bagay sa kanya ang ganyang postura ngayon na kinakambalan pa ng tamang pagpili niya ng isusuot. Magaling din ang kanyang make-up artist na mas nagpapalutang sa kanyang ganda.

May mga kaibigan kami na nagte-text na sa amin bago pa magsimula ang KMJS, puro mga propesyonal sila, “KMJS na, sister, nakatutok ka na ba?”

Ganu’n kami tuwing Linggo nang gabi, para kaming PRO ng programa ni Jessica Soho sa pagpapaalala sa isa’t isa, ganu’n talaga kapag alam mong kapag hindi ka nakapanood ay parang kalahati ng buhay mo ang nawala.

Maligayang bati kay Jessica Soho at sa kanyang staff and crew, mara­ming salamat sa mga Linggo nang gabi naming indi n’yo sinasayang, salamat talaga.

JESSICA SOHO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with