Aktor inaasa sa meal stub ng show ang pagkain ng driver

Kilalang-kilala ng kanyang mga kaibigan at katrabaho ang pagiging kuripot ng isang pamosong male personality. Magaling siyang humawak ng pera, hindi siya basta-basta nagbubutas ng kanyang bulsa, kuring ang male personality.

Kung paminsan-minsan ay nagpapakasarap sa pagba-bar hopping ang kanyang mga kasamahan sa isang sikat na show ay hindi madalas sumama ang male personality, natatakot kasi siya sa patak-patak na usapan ng tropa, mahina lang daw naman kasi siyang kumain at hindi pa umiinom.

Kuwento ng isang source, “Alam n’yo bang kahit ang pagkain ng dribam niya, e, iniaasa niya sa meal stub ng show? Kape lang muna sa umaga ang driver niya, sa studio na siya kakain, dahil libre lang ang lafang du’n!

“Ganu’n kahigpit ang bulsa niya, allowance na lang ba naman ng piloto niya, e, tinitipid pa niya?” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Pero ang nakakaloka ay ang naganap sa pamosong male personality isang gabing malakas ang ulan. Nasa kalagitnaan sila ng biyahe nang maubusan siya ng gas ng kanyang sasakyan.

Patuloy ng aming source, “E, hindi naman niya masisi ang driver niya, kasi, bago sila umuwi, e, nanghihingi pala ng pangkarga ng gasolina ‘yung tao. Ang tanong niya, e, bakit wala na naman siyang gas?

“Apektado talaga siya sa pagtaas ng presyo ng gasolina, ayaw niyang magpakarga ng full tank, pinakamarami na ang limang litro kung magpa-gas siya. Kaso, sa dami ng lakad niya, natural lang na madali ring nauubos ‘yun!

“Hindi niya binigyan ng pangkarga ng gas ang driver niya, umiilaw na nga, nagmatigas pa rin siya. E, biglang umulan nang malakas, ang tindi ng traffic, parang isang malaking parking lot ang EDSA!

“Nasa gitna pa naman sila, mahirap gumilid, pero gumawa ng paraan ang male personality na makarating sila sa bandang gilid ng highway kesehodang binubusinahan na sila ng mga motorista.

“Nagtagumpay naman ang male personality, nakapaggasolina sila, pero talagang ilang metro na lang at titirik na sila sa kawalan ng gas!

“Nakakaloka ang taong ‘yun, sa sobrang kakuriputan niya, e, malapit na siyang tumirik sa EDSA! Leksiyon na ‘yun sa kanya! Ang lakas-lakas niyang rumaket, malaki ang kinikita niya, pero may zipper ang bulsa at wallet niya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Mahusay na child actress na nilabasan ng dugo sa ilong, wagas ang pagmamakaawa

Suntok sa dibdib ang inabot namin sa panonood sa prog­rama ni Korina Sanchez dahil sa child star na si Rhed Bustamante. Siya ang magaling at premyadong child actress na nilalabasan ng dugo ang mga mata sa pelikulang Seklusyon.

Marami pa siyang ibang nagawang pelikula nu’ng nabubuhay pa si Direk Wen Deramas, pero nang maging matumal na ang kanyang mga proyekto ay parang napilay na rin ang kabuhayan ng kanyang pamilya, nagtitinda na lang siya ng tinapay at kape ngayon sa tabi ng riles ng tren sa Sampaloc.

Kung saan napunta ang kinikita niya nu’ng aktibo pa siya sa pag-aartista ay hindi masyadong natutukan sa kanilang pag-uusap ni Korina, ang mas tumatak sa manonood ay ang pagpapalayas sa pamilya ni Rhed sa inuupahan nilang bahay, dahil sa pagkakautang na rentang anim na libo.

Naghanap sila ng tirahan sa Bulacan, tumutulong si Rhed sa kanyang ina sa pagtitinda, dahil may sakit ang kanyang ama at hindi na nito kayang magtrabaho.

Nagsusumamo pa naman ang mga mata ng batang ito, sobrang pagkaawa ang mararamdaman mo habang nagkukuwento siya tungkol sa kahirapang pinagdadaanan nila ngayon, ang buhay nga naman ng mga artista.

Sino pa ba ang unang-unang personalidad na maiisip namin sa ganyang sitwasyon kundi ang mapuso sa mali­liit na artistang si Coco Martin? Tagapagsalba ng mga nangangailangang artista ang matagumpay na aktor.

Puro si Coco, si Coco, si Coco na lang. Pero ang may mabuting pusong aktor lang naman talaga ang una nating naiisip sa mga ganitong pagkakataon. Harinawang napanood ng aktor kundi man may nagparating sa kanya ng kahirapan ngayon ng pamilya ni Rhed Bustamante.

Sabi nga ni prop na hinaluan ng komedya ang kanyang komento, “Kaya nga taya ako nang taya ngayon sa lotto, e! Half billion na ang premyo! Isa si Rhed Bustamante sa mga tutulungan ko.”

Show comments