Bianca nagulat sa ginawa ni Miguel sa kanyang lola ; Ryza wagi ng Yakushi Pearl Award sa Japan ; Nadine may bagong pauso

Seen: Pinakamaligaya na boyfriend si Cholo Barretto dahil sa Yakushi Pearl Award na napanalunan ng kanyang girlfriend na si Ryza Cenon sa 13th Osaka Asian Film Festival. Ang Yakushi Pearl Award na natanggap ni Ryza ay ibinibigay sa pinakamahusay na performer sa mga artista na may pelikula na kalahok sa Osaka Asian Film Festival.

Scene: Pormal na hiningi ni Miguel Tanfelix ang permiso ng lola ni Bianca Umali para ligawan niya ang young actress na nagdiwang ng 18th birthday sa EDSA Shangri-La noong Sabado.

Seen: Nabigla si Bianca Umali sa pagpapaalam na ginawa ni Miguel Tanfelix sa lola niya na parang isang eksena lamang sa mga teleserye na ginawa nila sa kanilang home studio.

Scene: Trend setter and social media influencer si Nadine Lustre dahil marami ang nagagandahan at gustong gayahin ang bagong kulay ng buhok niya.

Seen: Nasunog kahapon ang Manila Pavilion Hotel sa U.N. Avenue, Manila. Ang Manila Pavilion ang dating tambayan ng homeless actress na si Bobbi Mercado, ang kolehiyala na anak ng pumanaw na television host na si Eddie Mercado.

Scene: Maaga na inilabas ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED) ang listahan ng mga nominado sa The 2nd Eddy Awards pero sa June 2018 pa ang awards night ng award-giving body ng mga entertainment editor sa Pilipinas.

Seen: Ngayon ang pilot telecast ng Contessa, ang afternoon drama series na replacement ng GMA 7 sa Ika-6 na Utos na nagwakas noong Sabado. Bida sa Contessa si Glaiza de Castro.

Scene: Fourth runner-up at Mr. Photogenic sa Ginoong Laguna 2018 si Kenneth Snell, ang kapatid ng sexy star na si Nathalie Hart. Nangangarap din na pumasok sa showbiz ang kapatid ni Nathalie.

Seen: Naganap noong Sabado ang dedication para kina Daniel at Michael, ang twin sons ni Jerika Ejercito at ng kanyang Spanish husband na si Miguel Aguilar. Unang kambal na apo ni Manila City Mayor Joseph Estrada sina Daniel at Michael.

Show comments