Kylie ayaw pakasalan si Aljur?!

Halatang napipikon na si Robin Padilla pagdating sa isyu ng kasalan sa pagitan ng kanyang anak na si Kylie Padilla at Aljur Abrenica. Marami kasi ang hindi makapaniwala na kahit na may anak na ang dalawa ay hindi pa rin niya matanggap ang mga ito. Eh, ang magpa­kasal lamang naman ang gusto niyang makita sa dalawa at gawing legal ang kanilang pagsasama, lalo na ngayong may bunga na ang kanilang pagmamahalan.

“Kailangan pa ba niyang (Aljur) pag-isipan kung ano ang problema namin? ‘Yun lang ‘yun. Kung papayagan lang ako ng anak ko, hinatak ko na ‘yan hanggang simbahan,” ani Robin sa presscon ng Sana Dalawa ang Puso, ang bagong serye ng ABS-CBN kung saan ay kasama niya sina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.

Hindi naman masagot ng action star na baka ang anak niya ang may tutol sa pagpapakasal sa ama ng anak nito. Ang tanging nasabi niya ay binigyan niya ng kalayaan ang kanyang mga anak na gawin ang inaakala nilang makakabuti sa kanila.

Samantala, pasalamat siya sa muling pagtatrabaho sa ABS-CBN at Star Cinema. Handa na siyang tanggapin ang semi-retirement at tulungan na lamang  ang asawang si Mariel Padilla na palakihin ang anak nila.

Maja walang kapaguran

Matapos ang nakakapagod niyang pagganap sa Wildflower kung saan ay hindi lamang siya muling nagpakitang gilas sa pag-arte, sumabak din siya sa pagpapaseksi at aksyon, ang pagkanta naman ang aasikasuhin ni Maja Salvador. Nakatakda itong muling mag-concert sa Cebu, sa IEC Convention, sa Pebrero 4. Pinamagatang Maja on Stage, pagkatapos sa Cebu ay mapapanood ang Maja on Stage sa The Big Box East sa Jurong, Singapore sa February 18 at pagkatapos ay balik siya ng Pilipinas sa Kia Theater sa March 23 para rin sa nasabing palabas.

May nine-negotiate rin na pagdadala nito sa US, pero wala pa itong napagkakasunduang date. Kaya pala wala si Maja sa ASAP at nagagawang solohin ni Yassi Pressman ang pamamayani sa dance floor.

Andre hindi apektado sa isyung bakla

Bagaman at nababagalan ang marami sa takbo ng karera ni Andre Paras bilang artista, wala namang reklamo ang anak at kapatid ng mga sikat na baskebolista sa pagpapatakbo ng GMA ng kanyang career. Napapanood siya regularly sa Sunday PinaSasya at makakasama rin sa Sherlock, Jr. at Sirkus.

Hindi naman apektado si Andre sa paghihinala ng marami sa kasarian niya. Kilala niya ang sarili at hindi batayan ang kanyang pagiging single at 22 maging ang pagiging playful para sabihing beki siya. 

Jodi tuloy pa rin ang pagdo-doktor

Sa pagtanggap niya ng ser­yeng Sana Dalawa ang Puso na inaasahang tatakbo ng mahaba-haba ring panahon, nag-aalala ang fans ni Jodi Sta. Maria kung paano pa niya mapapangatawanan ang pag-aaral ng medisina kung saan kasama siya sa dean’s listers.

Pero kampante ang aktres na magagawa niyang mapagsabay ang pag-aartista at pag-aaral kahit isang araw lamang kada linggo ang ibinibigay niya para hindi siya magtrabaho at mag-aral lang.

Bagong officers ng PMPC mga dating mukha pa rin

May bago na namang set of officers ang Philippine Movie Press Club (PMPC), ang nangunguna at pinakamatagal na grupo ng entertainment writers at siyang nagtataguyod ng Star Awards for Movies, Television and Music.

Mga dating mga mukha na naman ang napiling bumuo ng mga PMPC officers sa taong ito. Isang malinaw na indikasyon na pinagkakatiwalaan pa sila ng mga miyembro ng club.

Nanalo ang mga sumusunod: Joe Barrameda, President; Roldan Castro, VP; Mell Navarro, Secretary; Rodel Fernando, Treasurer; Boy Romero, Assistant Treasurer; Sandy Mariano, Leony Garcia, PROs; Mildred Bacud, Fernan de Guzman, Lourdes Fabian, John Fontanilla, Rommel Placente, Veronica Samio, Board.

Show comments