Hyde, Jekyll, and Me, magpapakilig sa online

MANILA, Philippines — Kwela at nakakakilig na kwento ang hatid ng masungit na lalaking may personality disorder at babaeng mahuhulog ang loob sa kanyang mas mabait at simpatikong alter ego sa Korean romantic-comedy series na Hyde, Jekyll, and Me na mapapanood exclusively online sa iWant TV.

Buong buhay ni Goo Seo-jin (Hyun Bin), presidente at CEO ng sikat na theme park na Wonder Land, ay nilalabanan niya ang kanyang sakit na DID o dissociative identity disorder. Ito ay pagkakaroon ng iba’t ibang pagkatao sa iisang katawan. Kaya naman sa tuwing lalampas ang kanyang heart rate ng 150, lumalabas ang isa pa niyang katauhan na si Robin. Hindi tulad ni Seo-jin, si Robin ay maawain, malumanay, at mahilig magligtas ng buhay ng ibang tao.

Isang araw, makikilala ni Seo-jin si Hanna (Han Ji-min), anak ng dating circus master ng Wonder Land na siyang magpapabilis ng tibok ng kanyang puso. Galing pa lang si Hanna ng Las Vegas at nagsanay sa Cirque Du Soleil para maisakatuparan ang kanyang misyon na salbahin ang palugi ng circus ng Wonder Land lalo pa’t binantaan na silang patalsikin ni Seo-jin.

Matapos ang maraming pakiusapan na huwag silang paalisin ay susundan ni Hanna si Seo-jin sa kanyang pagpunta kay Dr. Kang, ang doktorang may lunas na sa kanyang kondisyon. Lingid sa kaalaman ni Hanna na ang pagpunta sa ospital ang magbibigay daan para siya ay maging witness sa isang krimen – ang pagdukot kay Dr. Kang.

Mapapanood ekslusibo ang Tagalized version ng 2015 South Korean TV series, na hango sa webtoon ni Lee Choong-ho na Dr. Jekyll Is Mr. Hyde, sa iWant TV kasama ang iba pang Korean dramas tulad ng Signal, Doctor Stranger, Sensory Couple, at Emergency Couple. Bisitahin lang ang www.iwantv.com.ph at pumunta sa Kapamilya Asianovelas section.

Huwag palalampasin ang bagong episodes ng Hyde, Jekyll and Me bawat linggo sa iWant TV. Mapapanood din ito sa digital television gamit ang inyong ABS-CBN TVplus sa Cine Mo (Ch 3) tuwing Linggo, 1PM.

Show comments