Strong Girl Bong Soon magpapakilig na!

MANILA, Philippines — Sa pinakabagong pampakilig ng GMA The Heart of Asia ngayong Ok­tubre 4, ipakikilala si Bong Soon (Park Bo Young)—ang babaeng maganda na, malakas pa, at ang kanyang weird pero mabait na boss na si Mikael (Park Hyung Sik).

Mula sa pamilyang may kakaibang lakas si Bong Soon, at dapat niyang gamitin ang abilidad na ito sa mabuti kung hindi ay mawawala ito at mapaparusahan siya. Kaya naman nagdesisyon siyang isikreto ang abilidad na ito para makapamuhay ng normal.

Pero hindi siya makakawala sa tadhana dahil masasangkot siya sa isang away kalye at masasaksihan itong lahat ni Mikael, na kasalukuyang humaharap sa iba’t ibang banta sa kanyang buhay. Makikita ng binata kung gaano kalakas si Bong Soon, at gagawin niya ang lahat para puma­yag itong maging personal bodyguard.

Samantala, iba’t ibang krimen naman ang nangyayari sa komunidad ni Bong Soon, at ang baguhang pulis at childhood crush niyang si Kenny (Ji Soo) ang namamahala nito. Sa pagiging maalalahanin ni Kenny, nanghihina ang strong girl na si Bong Soon.

Mapagtanto kaya ni Bong Soon ang kapahamakang umaaligid sa kanya? Malaman din kaya ni Mikael kung sino ang nagtatangka sa buhay niya? Subaybayan ang astig at nakakakilig na kuwento ng Strong Girl Bong Soon pagkatapos ng My Korean Jagiya tuwing Lunes hanggang Huwebes sa GMA Telebabad.

Show comments