Kinabaliwang Kdrama ibabalik ng GMA!

MANILA, Philippines -  Hindi na lang sa primetime mapapanood ang mga dekalibreng Koreanovelas dahil simula Lunes, July 24, back to back na ang All About My Mom at Mirror of the Witch sa morning block ng GMA 7. 

Handog ng All About My Mom ang kwento ng isang pamilyang nagsisikap na magkasundo sa kabila ng hirap ng buhay.

Si Wilma (Ko Du Shim) na ilaw ng kanilang tahanan ay hindi maiwasang paboran ang panganay na anak na si Vincent (Oh Min Suk). Kinailangan pang isakripisyo ni Annie (Eugene) ang kanyang pag-aaral para makatapos ang kuya niya, habang binabayaran ang mga utang ng amang si Douglas (Kim Kap Soo). Sa pagsisikap sa trabaho ay magiging malapit siya sa kanyang boss na si Natalie (Kim Mi Sook), na pagseselosan naman ng kanyang ina. Paano kaya babalansehin ni Annie ang kanyang responsibilidad bilang anak at ang sariling pangarap sa buhay? Subaybayan ang kwento nila tuwing Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Kapuso Movie Festival.

Susundan naman ito ng Mirror of the Witch na tungkol sa sinaunang panahon sa Korea kung saan isang reyna ang hindi mabiyayaan ng anak. Humingi ang reyna ng tulong sa shaman na si Hong Joo at nabigyan siya ng kambal na anak—isang babae na si Yeon Hee (Kim Sae Ron) at isang lalaki na si Soonhwae (Yeo Hoi Yon). Pero kapalit nito ay isang sumpa na nagpapataw sa kambal ng kamatayan pagsapit ng kanilang ika-labimpitong taon. Bukod pa rito, bawal din silang umibig dahil mamamatay rin ang kahit sinong mapaibig nila. Paano nila tatakasan ang sumpa? Kilalanin din sina Poong Yeon (Kwak Si Yang) at Heo Joon (Yoon Si Yoon) na tutulong kay Yeon Hee na wakasan ang sumpa. Mapapanood ang Mirror of the Witch tuwing Lunes hanggang Biyernes, ika-11:00 ng umaga.

Show comments