Mga iskolar ng Bulaga, isa-isa nang nagsipagtapos!

MANILA, Philippines -  Naging parte na ng buhay ng milyong Pilipino sa buong mundo ang Eat, Bulaga. Ang programa ay hindi lamang nagbibigay ng kasiyahan sa manonood, ngunit patuloy sa hangarin nito na magbigay inspirasyon at tulong sa mamamayang Pilipino.

Isa sa mga mapalad na natulungan ng programa ay ang 21 taong gulang na si Melvin Dugan.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid, si Melvin ay galing sa isang mahirap na pamilya mula sa Taguig City. Naisin man niya na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, walang hanapbuhay ang kanyang mga magulang para makapagpatuloy siya sa eskwela.

Kaya naman naging isang napakalaking biyaya para kay Melvin ng isa siya sa mga mapalad na mapili sa Eat, Bulaga! Excellent Student Awards o EBest. Ang nasabing programa ang tumulong kay Melvin na makapagtapos ng high school, at kalaunan, sa kolehiyo. Maliban sa scholarship grant, nakatanggap din si Melvin ng monthly allowance at annual cash assistance para sa iba pa niyang pangangailangan sa eskwelahan.

At noong March 31, nagtapos si Melvin ng cum laude sa Jose Rizal University sa kursong Business Administration major in Accounting. “Nakakatuwa na may isang programa sa telebisyon na binibigyan ng pagkakataon ang kabataan na makapagtapos, na matulungan ang kanilang pamilya at umahon sa hirap ng buhay,” pagbabahagi ni Melvin.

Tulad ni Melvin, hirap din ang pamilya ni Hanelyn Mae Milca sa Davao. Hindi niya akalain na magkakaroon siya ng oportunidad na makatapos ng high school at maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang guro mula sa Tugbok Central Elementary School na naging daan para makuha niya ang scholarship na hatid ng Eat Bulaga. Matapos ang high school, kumuha ng kursong Education si Hanelyn sa University of Mindanao at nagtapos noong April 25.

Naging mahirap din ang pinagdaanan ni Angel Bert Baguhin bago siya nakatapos ng kolehiyo.

Laki sa Cagayan de Oro, ang ama ni Angel Bert ang tanging bumubuhay sa kanilang magkakapa­tid sa pamamagitan ng pagtitinda ng empanada at lumpia. Nang pumunta ang staff ng Eat Bulaga sa kanilang paaralan ilang taon na ang nakakalipas, hindi niya pinalampas ang oportunidad para maging EBest scho­lar. Nakapagtapos na si Angel Bert sa kursong Chemistry mula sa Xavier University Ateneo de Cagayan. Inaalay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang ama na pumanaw noong Nob­yembre 2015.

“Pag pinalad ako na magkatrabaho at makaluwag-luwag sa buhay, plano ko na mag sponsor din ng isang estudyante na kapos ngunit nagnanais na makatapos ng pag-aaral at umahon sa hirap. Gusto ko ibahagi ‘yung blessing at tiwala na binigay ng prog­rama sa tulad ko,” sabi ni Angel Bert.

Sina Melvin, Hanelyn at Angel Bert ay tatlo lamang sa anim na EBest scholars na nakapagtapos sa kolehiyo nitong Marso hanggang Mayo. Maliban sa kanila, nagtapos din sina Almira Bless Amorado mula sa Cebu, Ma. Myka Barbilla ng Bacolod at si Yllor Sedol ng Quezon City.

Si Almira at Myka ay parehong nagtapos ng magna cum laude sa Cebu Institute of Technology-University at Colegio San Agustin-Bacolod, habang si Sedol naman ay natanggap ang kanyang diploma sa kursong Bachelor of Science in Physics mula sa Polytechnic University of the Philippines.

Maliban sa anim, mayroon pang walong EBest scholars ang magtatapos sa buwan ng Hunyo at Hulyo ngayon taon.

Inilunsad noong 2009 sa ika-30 anniversary ng programa, ang EBest Awards ay binuo upang magbigay ng scholarship grants sa mga natatanging ele­men­tary students na walang sapat na kakayahan na makapag-aral sa high school at kolehiyo. Sa ngayon, ang Eat Bulaga ay mayroong 35 college scholars mula sa Sulu, Batanes, Davao, Cebu, Ilo­ilo, Pangasinan, Bacolod, Benguet, Nueva Ecija, Laguna, Bulacan, Manila, Batangas at iba pang lala­wigan sa bansa.

Ang EBest Awards ay isa lamang sa mga inilunsad na programa ng Eat Bulaga tulad ng EB Classroom Project, EB Heroes, Isang Lapis Isang Papel Project at ang AlDub libraries. 

Show comments