Mga pinagpaguran ng aktres, nalusaw na sa bisyo

Hinayang na hinayang ang mga kaibigan at katrabaho ng isang kilalang female personality sa kinahinatnan ng mga propyedad na ipinundar niya.

Mahabang panahon niyang pinagpaguran ang mga ‘yun, dugo at pawis ang ipinuhunan niya, pero sa isang iglap ay biglang naglaho ang lahat nang malulong siya sa bisyong salamat naman at malayo sa droga.

Pero katokhang-tokhang din ang naging bisyo ng aktres, gabi-gabi siyang nagsusugal, naadik nga sa casino ang female personality.

Kuwento ng aming source, “Matagal na siyang pinagpapayuhan ng mga concerned niyang kaibigan na tigilan na niya ang pagsusugal, oo lang siya nang oo, pero tuloy pa rin ang pagrekorida niya sa casino.

“Wala siyang pakialam kung nakikita man siya nang lantaran sa pasugalan, hindi siya nagdi-disguise, umabot na siya sa ganu’ng point. At ano nga ba ang kakambal ng pagkalulong sa sugal?

“Natural, kinakapos na siya ng puhunan, kaya nagkakautang-utang na siya sa mga friends niya, nagsasangla na siya ng mga branded niyang kagamitan, hindi na niya natubos ang mga branded bags niya, sa totoo lang!

“Pinaghirapan niyang ipundar ang mga ‘yun nu’ng wala pa siyang bisyo, nag-iipon siya para mabili ang mga gusto niya, pero nu’ng malulong na siya sa sugal, e, isa-isa na niyang isinasangla ang mga kagamitan niya!

“At ang the height, pati ang housing galore niya, e, nauwi rin sa wala. Ang drama niya nu’n, e, ipinare-renovate lang kuno niya, ‘yun pala, e, may buyer na ang bahay niya!” napapailing na kuwento ng aming source.

Mahilig pala talaga sa iba’t ibang aspeto ng pagsusugal ang female personality na ito. Sumusugal siya sa pakikipagrelasyon, sa pakikipagkaibigan, sugal din ang dahilan ng pagpasok niya sa isang larangang nagpanalo sa kanya nu’ng una pero umubos din sa kanya nu’ng bandang huli.

Ubos!

Mark parang OFW ang pakiramdam

Ngayong ramdam na ramdam na natin ang simoy ng hanging-Pasko ay siguradong mas malulungkot si Mark Anthony Fernandez sa piitan. Parang OFW din kasi ang mga bilanggo, malayo sa kanilang mga pamilya, kaya pinakaemosyonal na panahon para sa kanila ang pagdating ng Kapaskuhan.

Si Mark pa naman, mula sa pagkabata ay talagang emosyonal na siya, marami siyang tanong na hindi nabigyan ng sagot kaya binitbit niya ‘yun hanggang sa kanyang paglaki at pagkakaedad.

Tama ang ginagawa ni Alma Moreno na makasilip lang ito ng panahon mula sa kanyang trabaho ay agad nang bumibiyahe ang aktres papuntang Pampanga, kailangang-kailangan ngayon ni Mark ang atensiyon at pagmamahal na puwede nilang itodo, makababawas ‘yun sa matinding lungkot ngayon ni Mark Anthony sa kulungan.

Ayon sa mga nakakausap namin ay nabuburyong lang naman ang bilanggo kapag wala siyang dalaw. Kung anu-ano ang kanyang naiisip, lalo na kapag maraming dalaw ang kanyang mga kapwa bilanggo, kailangang mga nagmamahal sa kanya sa labas ang gumamot para huwag dumating sa ganu’ng punto si Mark Anthony.

Minsan nang lumutang ang balita na naglaslas siya ng braso, inagaw raw ng aktor ang gunting ng barbero, pero pinabulaanan naman ‘yun ng pamilya ng aktor.

Totoo man ang kuwento o hindi ay dapat pa ring subaybayan ng kanyang mga mahal sa buhay si Mark. Huwag na nilang hintayin pang mangyari ang pagkaburyong at sobrang kalungkutan ni Mark Anthony. Iisa lang ang takbo ng utak ng mga bilanggo kapag walang dumadalaw sa kanila.

Kung may asawa ang bilanggo ay naiisip niya na baka ipinagpalit na siya sa iba ng kanyang misis, tamang-duda ang nakapiit, lahat ng negatibong bagay ang pumapasok sa kanyang isip dahil nasa loob nga siya at walang kalaban-laban.

Mas maraming panahon ang maibibigay kay Mark Anthony Fernandez ngayon ng kanyang pamilya at mga kaibigan ay mas magpapaganda sa kanyang sitwasyon sa kulungan.

Show comments