Cesar nakatisod ng negosyo sa China!

Kasama si Cesar Montano sa entourage ni President Rodrigo Duterte nang bumisita ito sa China.

Isang news reporter na nakakuwentuhan ko sa presscon para kay Congressman Alfred Vargas ang nagsabi na may mga negosyo na nakuha si Cesar sa China.

Walang kinalaman sa pelikula ang mga business deal ni Cesar pero sure raw na magiging busy siya sa mga susunod na araw.

Dati nang may mga kaibigan si Cesar sa China. Muntik na nga na gumawa siya ng pelikula doon pero hindi natuloy at blessing in disguise ito dahil mas bongga ang naging kapalit.

Kasama ni Cesar sa state visit ni Papa Rody sa China ang aking mga paborito, si former Senator Manny Villar at ang kanyang anak na si DPWH Secretary Mark Villar, former Senator Bongbong Marcos at si PNP Chief Director Ronald “Bato” dela Rosa.

LJ ‘millennial mom’

Sina LJ Reyes, Denise Barbacena, Brent Valdez, at Troy Montero ang special guests sa My Millennial Mom episode ng Dear Uge na mapapanood ngayong  hapon sa Kapuso Network.

Si LJ ang Millennial Mom dahil kasing-edad lamang nito ang dalawang anak ng mhin na pinakasalan niya na ginagampanan ni Troy Montero kaya hindi naiwasan na nagkaroon sila ng mga misunderstanding.

Janine mabilis natanggap ang nangyari sa kanila ni Elmo

Hindi nakakagulat ang break-up nina Janine Gutierrez at Elmo Magalona dahil nang lumipat ito sa ABS-CBN, nawalan na sila ng panahon para sa isa’t-isa.

Hindi kagaya noong pareho pa sila na mga contract star ng GMA-7, ang dalawa ang magkapareha sa mga teleserye kaya madalas ang kanilang pagkikita.

Nagpakatotoo si Janine sa dialogue nito na masakit ang nangyari pero sa una lang ‘yan. Lilipas din ang sakit na nararamdaman niya dahil tiyak na hindi siya mawawalan ng mga manliligaw at ng bagong inspirasyon.

Sa kaso naman ni Elmo, I’m sure, makakakita siya ng babae na magpapatibok sa puso niya na puwedeng taga-ABS-CBN din.

Pag-iwan kay Jake ng GF umingay sa Mulat

Hiwalay na rin si Jake Cuenca sa kanyang girlfriend na si Sara Grace Kelley at kawalan din ng time dahil malayo sila sa isa’t-isa ang dahilan.

Nang dumalo si Jake sa presscon ng Mulat noong nakaraang Martes, hindi pa isyu ang paghihiwalay nila ni Sara dahil hindi ito napag-usapan or else, naikuwento ko na sa inyo.

Gaya ni Janine Gutierrez, nagpakatotoo rin si Jake dahil inamin nito na si Sara ang nakipaghiwalay sa kanya.

Nakatulong sa publicity ng Mulat ang nangyari sa lovelife ni Jake dahil namulat ang mga tao na may bagong pelikula ang aktor na ipalalabas sa mga sinehan sa November 2.

Shooting ng Mano Po 7 tapos na!

Tapos na ang shooting ng Mano Po 7 kaya abot sa deadline ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016 ang Regal Entertainment, Inc. movie. Pinanood na nga ni Mother Lily Monteverde ang rushes ng pelikula.

Mabilis na natapos ang shooting ng Mano Po 7 sa Pilipinas at Taiwan dahil inayos ang schedule ng lahat ng mga artista at mabilis magtrabaho ang Fil-Chinese director na si Ian Lorenos.

Dalawang pelikula ang isasali ng Regal Entertainment, Inc. sa MMFF 2016, ang Mano Po 7 at ang The Mighty Yaya.

Show comments