Parehong may konek sa pinakamataas na posisyon... Babaeng personalidad gustong makipagtsikahan sa lalaking brusko na napapanahon

Pahapyaw na BI: Gustong makilala nang personal ng isang female personality ang isang lalaking napapanahon ngayon. Walang malisya ang intensiyon ng babaeng personalidad na mula sa isang malaking pamilya ng mga kilalang pulitiko, gusto lang niyang patunayan sa kanyang sarili kung gaano kabrusko ang lalaki, ‘yun lang ang kanyang motibo.

Hindi nagkakalayo ang kanilang katayuan sa mundo ng pulitika. Ang babaeng personalidad ay anak ng isang pulitikong humawak din ng pinakamataas na posisyon sa ating pamahalaan nu’n.

Ang lalaki naman ay ngayon pa lang, papaupo pa lang ang kanyang ama, kaya maraming naiintriga sa buhay ng bruskong lalaki.

Basta!

Female singer at businessman laging magkahawak-kamay at magkapatong ang mga paa ’pag magkasama nung sila pa

Nu’ng bagu-bago pa lang ang relasyon ng isang female singer at ng isang businessman ay maraming inggit na inggit sa kanilang lantarang paglalambingan. Sobrang lambing nila sa isa’t isa kahit nasa mga pampublikong lugar sila.

Sabi nu’n ng isa naming source, “Nakita namin si ____(pangalan ng magandang female singer) sa isang restaurant sa Tagaytay, kasama niya ang bagong boyfriend niya, matindi silang maglambingan!

“Magka-holding hands na sila habang naghihintay ng order nila, magkapatong pa ang mga paa nila. Parang nakaka-off lang, hindi na kasi sila mga teenager, pero ganu’n sila katinding magpakita ng emotion nila,” kuwento ng aming pamangkin.

Nu’n pa man ay marami nang humula na hindi sila magtatagal, marami kasing hindi kagandahang kuwento tungkol sa negosyante, ipinaglihi raw ito sa mangga (read: user, manggagamit).

Ngayon nga ay hiwalay na sila, ang babae ang umalis sa poder ng businessman, pero umaasa ang lalaki na makukuha pa rin nito pabalik ang kalooban ng female singer.

Ubos!

Kris nakaisip na naman ng dahilan para mapag-usapan

Nakaisip ng pagkakataon si Kris Aquino para muling makapagparamdam mula sa kanyang pinagbabakasyunang bansa. Ayon kay Kris ay pansamantala siyang mawawala para mabigyan ng panahon ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby, pero sabi nga ay mahirap alisin ang isda sa tubig, hindi ‘yun mabubuhay sa lupa.

May mga kaibigan kaming matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Hawaii na nakakakita kay Kris at sa kanyang mga anak. Sa mga restaurant nila natitiyempuhan ang mag-iina.

At sa gitna ng kanilang bakasyon ay nagbanta si Kris na idedemanda ang isang kumpanyang gumagamit sa kanyang pangalan para lang paangatin sa merkado ang produkto ng mga ito na pinalalabas na si Kris ang nag-eendorso.

Na dapat lang naman. Nasaan ang isinisigaw na “truth in advertising” kung ganu’n na puro kasinungalingan lang naman pala ang pinalulutang ng kumpanya?

Ayon kay Kris ay isang malaking kasinungalingan ang pinalulutang na promo ng produkto, hindi niya ‘yun ginagamit, lalong hindi siya ang tagapag-endorso.

Kahit malayo si Kris ay pinag-uusapan pa rin siya, hindi niya naman ‘yun hinanap, kinailangan lang niyang sumagot bilang paglilinaw.

Kahit nasa Mars pa si Kris Aquino ay siguradong mapag-uusapan pa rin siya dahil mismong ang aktres-TV host na ang maysabi, “Kasi, sikat ako!”

Kundi nga naman siya sikat ay pagkakaabalahan ba siyang pag-usapan, gagamitin ba siya ng isang kumpanya para palabasing sumusuporta sa produkto nila, siyempre’y hindi!

Show comments