Ayaw ng Department of Labor Alonzo hindi masyadong pinapagod!

Marami ang nagtatanong kung bakit hindi ga­anong visible ngayon sa telebisyon ang bagong child wonder na si Alonzo Muhlach. Hindi man napapanood lately sa isang teleserye si Alonzo, ito’y dahil may dalawang movie siyang pinagkakaabalahan, ang horror-comedy movie na Wang Fam at ang MMFF movie na Beauty and the Beastie na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Coco Martin kasama ang mainit na loveteam nina James Reid at Nadine Lustre mula sa direksyon ng box-office director na si Wenn Deramas.

Hindi pa rin sigurado kung matutuloy pa si Alonzo sa Piolo Pascual at Toni Gonzaga TV series na Written in the Stars na nadi-delay ang taping dahil umano sa ilang revisions ng script.

Ayaw nang masyadong pagurin ng Viva, ang may hawak ng career ni Alonzo sa sobrang dami ng trabaho. Baka nga naman masilip ng Department of Labor.

Alden ‘nakakalimutang’ sa Eat Bulaga sumikat

Hindi kumpleto ang Kalyeserye ng Eat Bulaga kung wala ang isa sa main cast, ang half ng AlDub loveteam na si Alden Richards.               

Kahit pare-parehong mahuhusay ang The Explorer Sisters na sina Lola Nidora  (Wally Bayola), Lola Tinidora (Jose Ma­nalo), at Lola Tidora (Paolo Ballesteros), iba pa rin ang kilig na dala ng AlDub nina Alden at Yaya Dub (Maine Mendoza).

Walang control ang Eat Bulaga sa schedule ni Alden na nasa pangangalaga ng GMA Artists Cen­ter. Pero dapat maunawaan ng mga handler ni Alden na kung hindi dahil sa Eat Bulaga at sa Kal­ye­serye ay walang pinagkakaabalahan ngayon in terms of so many offers ang kanilang alaga – mula sa product endorsements, shows and personal appearances, recording, pelikula at iba pa.

Puwede sigurong pansamantalang mawala si Alden sa Eat Bulaga on weekdays but not during Saturdays na siyang big day ng long-running noontime show.

Show comments