T-bird at ako nina Vilma at Nora, malinaw na uli!

MANILA, Philippines – Masayang masaya ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na muling mapanood ang kanyang mga pelikula na ngayon ay nasa high definition o HD format na matapos itong i-restore ng ABS-CBN Film Archives.

Sa kanyang pagdalo sa V x 3 event sa University of the Philippines Film Institute (UPFI) Cine Adarna kung saan ipinalabas ang digitally restored and re-mastered na mga kopya ng Anak, Kapag Langit ang Humatol at  Bata Bata Paano Ka Ginawa? ipinahayag ni Gov. Vi ang kanyang suporta sa restoration project ng ABS-CBN.

“Nakakatuwang mapanood muli ang mga pelikulang tunay na ipinagmamalaki mo in high definition. Malaking pagkakataon ang ibinibigay ng ABS-CBN na maipalabas ang mga restored films na tulad nito na hindi na yata mapapantayan pa at talagang dapat mapanood ng mga kabataan ngayon dahil ito ang mga totoong salamin ng buhay ng mga Pilipino,” sabi ni Gov. Vi.

Bukod kay Gov. Vi, dumalo rin sa naturang event para sumuporta ang kanyang Anak director na si Rory Quintos, Kapag Langit ang Humatol director na si Laurice Guillen, Bata, Bata Paano Ka Ginawa director Chito Rono, leading man Albert Martinez at co-star Cherry Pie Picache. Present din ang direktor na si Olivia Lamasan at head ng Star Creatives na si Malou Santos.

Hindi rin nagpahuli ang mga solid Vilmanians na nanggaling pa sa malalayong lugar at maaga pa lang ay nakapila na sa Cine Adarna para ipakita ang kanilang suporta sa kanilang idolo.

Overwhelmed naman ang utak sa likod ng film restoration at head ng ABS-CBN Film Archives na si Leo Katigbak sa init ng pagtanggap ni Gov. Vi at maging ng publiko sa ipinalabas na restored films.

“Masarap ang pakiramdam kapag masigabong palakpakan ang manggagaling sa mga nanonood. Parang box-office hit ka na may kasamang hiyawan. Pero mas nakakatuwa kapag ‘yung audience ay kusang nagbibigay opinyon sa restoration. Alam mong may interes sila at mas madalas ganyan na ang nagiging reaksyon. So alam mong kahit paano, mayroon kang tinatamaan sa pag-iisip at damdamin ng audience,” paliwanag ni Leo.

Ang susunod na restored film na ipapalabas sa sinehan ay ang hindi ma­lilimutan at mapangahas na pagtatambal nina Vilma Santos at Superstar Nora Aunor sa pelikulang T Bird at Ako.

Show comments