AiAi halos ayaw nang manghingi ng biyaya, sobra-sobra na raw ang natatanggap niya

Isang malaking concert daw ang planong gawin ni AiAi Delas Alas bago magtapos ang 2015 bilang pagdiriwang ng kanyang ika-25 taon sa show business. November 11 ang kaarawan ni AiAi at November 14 naman daw balak gawin ng Comedy Queen ang nasabing concert. “Siyempre dapat bongga ang show kasi silver anniversary ko ‘yon sa showbiz. Dapat nando’n lahat ng malalapit sa akin. Kaya as early as now, inaayos ko na ang para do’n. Gusto kong maging memorable kahit paano ‘yung selebrasyon ko ng 25 years sa showbiz. Ang tagal ko na rin palang nagtatrabaho pero parang hindi ko naramdaman. Parang hindi ako napapagod. Siguro gano’n kapag gusto mo ang ginagawa mo,” nakangiting pahayag ni AiAi.

Maraming mga biyaya raw ang dapat ipagpasalamat ng aktres sa Panginoon. Deboto rin si AiAi ng Mahal na Birhen kaya patuloy siyang nananala­ngin dito. “Mahal ako ni Mama Mary alam ko ‘yon. Kasi lahat ng ipinagdasal ko sa kanya, binibigay naman niya. Para ngang kalabisan na kung mag-a-ask pa ako ‘di ba? Lahat naman, parang nasa akin na rin,” pagbabahagi ni AiAi.

Samantala, pinasok na rin ngayon ng panganay na anak ng aktres na si Sancho ang pag-aartista at si AiAi rin mismo ang tumatayong talent manager nito. “Maliit pa siya, dream na niya. ‘Tutulungan ko ang mama ko, ‘pag ako nagka-work, tutulungan ko ang mama ko na makaipon.’ ‘Yun ang mind set niya since no’ng bata pa siya. Napu-frustrate siya kapag hindi niya ako natutulungan. Parati kong sinasabi sa kanya, ‘Hindi mo responsibilidad na tulungan ako. Kaming mga magulang, ang responsibility namin is palakihin, arugain at pag-aralin kayo.’ Mabait na bata lang talaga siya,” kuwento ni AiAi.

Janella walang galit sa ama, pero hindi na halos nakikita

Si Janella Salvador ay anak nina Jenine Desiderio at Juan Miguel Salvador. Taong 2002 nang magkahiwalay ang mga magulang ng dalaga at may sarili na ring pamilya ang ama. Kahit paano ay mayroon pa ring komunikasyon sina Janella at Juan Miguel hanggang ngayon. “Rarely, on occasion, I don’t see him na kasi,” bungad ni Janella. Hindi raw nakararamdam ng selos ang dalaga sa atensyon at pag-aalaga ni Juan Miguel na ibinibigay sa mga kapatid ni Janella sa ama. “I never got jealous naman na parang ‘Bakit sila gano’n? Bakit ako wala?’ I never thought about that. Positive lang siguro talaga ako. I look at it in a positive way,” paliwanag ng aktres.

Hindi malapit si Janella sa ama dahil lumaki itong si Jenine lamang ang kasama pero hindi naman daw nakarinig ng masasamang salita ang dalaga tungkol kay Juan Miguel mula sa ina. “We talk about it na very short lang. She just tells me what happened, straight to the point lang. She doesn’t tell me other things. Hindi naman siya naninira,” pagtatapos ng dalaga. Simula ngayong araw ay mapapanood na ang bagong teleserye ni Janella na Oh My G! Muling makakatambal ng aktres si Marlo Mortel sa nasabing proyekto. Reports from JAMES C. CANTOS              

Show comments