Male singer na ‘dakila’ walang kupas ang bagsik sa mga kolehiyala

Nagkakaedad na siya, pero hanggang ngayo’y nasa listahan pa rin ng mga personalidad na ma­ka­risma ang isang male singer, kung ano ang kan­yang lihim ay hindi maipaliwanag ng maraming kasamahan niya sa trabaho.

Mula nu’n hanggang ngayon ay siya pa rin ang ilusyon ng mga beki, para namang knight in shining armour ang dating niya para sa mga kolehiyala, walang kupas ang charisma ng male singer na ito.

Sutil na komento ng aming source tungkol sa male singer, “Kasi nga, matagal nang kalat na kalat ang kuwentong napaka-blessed niya. ‘Yun siguro ang naglalaro sa utak ng mga kababaihan at sangkabaklaan kapag nakikita siya.

“Ang address daw kasi nu’ng male singer na ‘yun, e, 123 Dakota Harrison, Pasay City. At pinatutunayan ‘yun ng mga ex niya,” sabi pa ng aming miron.

Nagkaroon ng relas­yon ang nasabing makarismang male singer at ang isang aktres na naging popular dahil sa magandang hugis ng kanyang katawan. Nagtagal din ang kanilang relasyon.

Patuloy ng sutil naming impormante, “Confirmed! Nu’ng minsan kasing may nagbiro sa female personality na ‘yun kung totoong napakasuwerte ng singer dahil sa maipagmamalaki niyang katangian, e, natawa lang siya nang malakas.

“Ang sabi ng girl, ‘Bakit n’yo ako tinatanong? Why ask me? It’s for you to know!’ Ang dali-dali nga namang sabihing hindi totoo ‘yun kung hindi nga totoo, pero bakit kasi nag-iwan pa ng palaisipan ang ex niyang aktres?” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

In fairness, maganda naman talaga ang boses ng male singer, pero bukod du’n ay may nakikita pang iba sa kanya ang mga tumututok sa kanyang mga shows.

“Ang isa sigurong reason kung bakit maraming nagkakainteres sa kanya, e, ‘yung pagiging tahimik niya. Para kasing may gusto kang i-discover sa kanya, mysterious ang dating niya,” pahabol pa ng aming kausap.

Ubos!

Mga bumabato sa pakikipagrelasyon ni Aiai, nireresbakan ng kanyang panganay

Mabuti na lang at sa pagdadaan ng panahon ay na­tutuhan nang hawakan ni Ai-Ai delas Alas ang kan­yang emosyon. Na­a­a­pektuhan pa rin siya ng mga komentong ipinupukol sa kanya ng mga kababayan natin pero hindi na siya tulad nang dati na balat-sibuyas sa mga ganu’ng senaryo.

Masarap pukulin ngayon para sa kanyang mga bashers ang Comedy Concert Queen dahil sa bagets niyang karelasyon. Beinte anyos lang kasi si Gerald Sibayan, malaki ang agwat ng kanilang edad, ‘yun ang aspetong kinokontra ng mga taong hindi masaya sa kaligayahan ngayon ni Ai-Ai.

Pera lang daw niya ang habol ng bagets, may mga nagpaparatang naman na binili lang ng komedyana ang pagmamahal ng lalaki, kung pinalalampas na lang ni Ai-Ai ang ganu’n ngayon ay hindi naman matanggap ng kanyang panganay na anak ang mga pambabatong personal sa kanyang ina.

Si Sancho Vito ang sumasagot sa mga bashers ng kanyang nanay, nagpapaliwanag ito, hindi kayang tanggapin nang paupo lang ng panganay ni Ai-Ai ang mga ipinakakaing salita sa kanya ng mga taong walang magawa sa buhay kaya ang personal niyang buhay ang pinaglalaanan ng panahon ng mga ito.

Paninindigan naman ng isang nakausap namin ay ano ang masama kung halos anak na lang niya ang karelasyon ngayon ni Ai-Ai? May batas bang nagbabawal sa isang bagets na umibig sa mas may edad kesa sa kanya?

Di ba’t ang batas lang namang sinusunod ng mga nagmamahal ay kung saan ka masaya ay dumoon ka? At kung hindi ka na maligaya ay lumabas ka na, dahil mas mabuti nang malungkot ka nang nag-iisa ka lang, kesa sa dalawa nga kayo pero malungkot ka pa rin.

Puso naman ni Ai-Ai delas Alas ang dumudugo kapag tumataya siya sa maling relasyon, siya naman ang humahagulgol, wala naman tayong donasyong luha sa kanyang pagkabigo sa pag-ibig.

Show comments