Batang winner sa singing competition sobrang taratitat, pati male model inalok na bibilhin ang kontrata para makasama sa commercial

PIK: Hindi naman itinatanggi ni Jonalyn Viray na merong inayos sa mukha niya kaya malaking-malaki ang diperensya kung ikumpara pagkatapos niyang manalo sa Pinoy Pop Superstar.

Pero happy na raw siya ngayon sa kung ano ang naayos sa kanya at tingin daw niya wala nang puwede pang baguhin sa kanya.

“Nakatulong naman po sa akin, sa imaging kasi bilang artista kailangan maayos ka, lagi kang magandang tingnan. Kung tatanungin ako kung meron pa akong gustong ipaano, huwag na,” saad niya nang nakatsikahan namin sa pocket presscon para sa nalalapit niyang concert na #Fearless: The Repeat na gaganapin sa Music Museum sa November 14.

Kung meron man daw puwede pang ayusin para lalo siyang gumanda, nadadala naman daw sa make-up.

“Nandiyan naman ang make-up para ma-enhance nang konti ang kung ano man ‘yung features mo. So, ‘yun na lang din po,” pahayag pa ni Jonalyn.

PAK: May pagkamahadera raw pala itong batang winner sa isang singing competition na nagpasikat na sa kanya.

Nagulat ang ilang mga nakatrabaho nito nang nasaksihan nila kung gaano kataratitat sa mga taong nakakausap niya.

Hindi raw nila alam kung crush nito o naguguwapuhan lang siya sa isang male model na nakilala niya sa isang contract signing. Tinawag daw niya si male model para magpa-picture taking.

Gusto pa raw niyang nakakandong kay male model nung nagpakuha ng litrato.

Ang isa sa ikinagulat nila ay sinabihan daw si male model na siya ang gusto niyang makatrabaho sa isang commercial na gagawin niya.

Sinabihan daw siyang hin­di puwede dahil endor­ser si model sa kalabang pro­duktong gagawin ni child singer. Sinagot daw niyang huwag mag-alala dahil bibilhin daw nila ang produktong kalaban para puwede na raw niyang makasama si male mo­del.

BOOM: Ngayon lang nakatrabaho ni Judy Ann Santos si Tom Rodriguez sa pelikulang Tyanak at nagkapalagayan agad sila ng loob.

May isyu pa na pinag-usapan nila na kailangang linawin ni Tom, dahil sa kasali ang dating girlfriend niyang si Princess Manzon  na nagsasabi raw nang ‘di maganda tungkol sa Kapuso matinee actor.

Sabi ni Judy Ann, meron nga raw siyang naririnig tungkol kay Tom pero hindi naman daw siya nagtatanong dahil ayaw naman daw niyang pakialaman ang isyu ng dating magkasintahan.

Pahayag ng aktres sa presscon ng pelikula niyang Tyanak” “Hindi ko ma-judge ‘yung situation nila, kasi parang ‘he said, she said’ situation ‘yun eh.

“Nagpaka-play safe ako kasi it’s a very personal thing. Hindi ako nagtanong. Pinigilan ko talagang itanong ‘yun.”

Nakita naman daw niyang nakapag-move on na ang si Tom at masayang-masaya raw ito sa buhay niya ngayon, lalo na sa love life.

Nakita naman daw niyang mabuting tao si Tom, at hindi na niya inurirat kung ano talaga ang totoo sa isyu nina Tom at Princess.

Show comments