Claudine pumayag nang ipahiram ang mga anak kay Raymart

PIK: Naging trending agad ang proposal ni Dingdong Dantes kay Marian Rivera sa dance show ng huli na Marian nung kamakalawa ng gabi.

Nitong mga huling interview kay Dingdong ay nabanggit niyang meron siyang pinaghahandaang malaki para kay Marian, at ito na nga siguro iyun.

Noon pa man ay gusto na ni Dingdong na mag-propose at ayusin na ang kanilang kasal, pero hindi pa raw handa noon ang GMA Primetime Queen.

Ngayon ay nasa tamang panahon na raw at handa na rin naman si Marian. Sabi naman ng aktres kapag magdesisyon na silang magpakasal, nakahanda na raw si Marian na maging nanay sa mga anak nila ng GMA Primetime King.

PAK: Hindi natuloy ang pagkikita nina Gretchen at Claudine Barretto sa isang event sa Buddha Bar  kamakalawa ng gabi.

Maaga pa lang ay nandun na si Claudine at wala na itong sinasabi laban sa kanyang mga kapatid na nakaalitan.

Open daw siya sa pakikipagkasundo, at pati kay Ray­mart ay pumapayag na rin itong ipahiram ang kanilang anak.

Hindi lang namin sure kung alam ni Gretchen na nandun si Claudine kaya hindi na siya tumuloy, o baka hindi lang talaga siya pumuwede nung gabing iyun.

Binanggit naman ni Claudine na sumusuporta siya sa ipinaglalaban ng ate niyang si Marjorie Barretto. Kumakampi siya kay Marjorie kesa sa ipinaglalaban ni Dennis Padilla.

BOOM: Matindi ang pasabog ng kampo ni Derek Ramsay laban dito kay Mary Christine Jolly na nagsampa ng reklamo laban sa kanya na Anti-Violence Against Women and Children.

Tinitiyak lang at kinukumpleto ang mga ebidensya, na sabi nga sa amin ni Atty. Joji Alonzo, kapag pumasok siya sa ganitong laban, dapat handa siya. Mabuting may mga ebidensya raw silang ilalabas para mapasinungalingan ang mga sinasabi ng babaeng nagpakilalang asawa.

Sa August 20 ay tiyak na kasama raw si Derek na darating sa Makati Prose­cutor’s Office para pirmahan at sumpaan ang counter-affidavit laban dito kay Mary Christine Jolly.

Hindi na lang daw siya magsasalita dahil ayaw naman daw niyang lalabas na sinisiraan lang ang ina ng kanyang anak.

Ang tanong lang namin, nandito ngayon itong babae na nagdemanda kay Derek. Bakit iniwan lang niya ang kanyang anak sa Dubai?

 

Show comments